Sa Ilalim ng Iisang Buhos ng Ulan

Sinasalo na naman ng mga palad mo ang patak ng ulan. Bawat patak ay may ngalan, at pilit mong hinahanap ang natatangi sa kanilang lahat. Pero paano? Bawat patak ay posibilidad, isang pagkakataong humahati sa walang hanggang pagtatangka.

Tumatakbo kang walang sapin sa paa, ngunit hindi mo alintana. Walang nakakakita na ika’y umiiyak. Lumuha ka nang malaman mong walang silbi ang pagluha dahil lulunurin din naman ito ng ulan. Iniyak mo ang bigat ng iyong kalooban, inilabas ang sakit na nararamdaman bagaman nilalamon din ng malakas na hangin ang iyong sigaw.

Tumakbo ka nang nakayapak. Tumakbo ka upang sumilong at saka nagsindi ng sigarilyo. Tumingin ka sa paligid at saglit na nagpahinga bago mo muling sinuong ang ulan.

Palagi akong nandito. Kahit noon pa man.

Hindi sana ito ang magiging buhay mo kung hinayaan mo lang na hawakan kita sa huling pagkakataon.

Bawat patak ng ulan ay may ngalan. Bawat patak ay posibilidad, panibagong pagkakataon, pero hindi mo magawang tingnan. Hindi mo kailanman makikita. Palagi lang akong nandito, ilang hakbang ang layo sa likod mo, sumusunod sa’yo, kasabay mong pumapanaw sa bawat hakbang mo palayo.

Kung lumingon ka lang sana.

hiram na larawan

hiram na larawan

 Muling sinasalo ng mga palad ko ang patak ng ulan. Bawat patak ay may pangalan, pero hindi ko mahanap ang sa’yo. Paano nga naman? Isa ka lang pangalan, isang mukha, isang maliit na patak sa milyung-milyong patak ng ulan. At ang paghahanap sa’yo ay tila paghuli sa bawat patak – isang posibilidad, isang pagkakataong humahati sa walang hanggang pagtatangka.

Nakayapak akong tumatakbo, pero hindi bale, wala namang nakakakita sa akin. Umiyak ako upang malaman ko na mag-isa akong lumuluha, pero hindi bale dahil kasabay kong tumatangis ang langit. Ganunpaman, hindi napagaan ng langit ang aking kalooban. Sumigaw ako upang ilabas ang sakit. Wala na akong pakialam kung may makarinig man sa paligid, dahil ako, hindi ko na marinig ang sarili ko. Pinapalis ng hangin ang bawat salitang pinakakawalan. Hindi ko alintana ang ginaw dahil higit na maginaw ang lamig na namamahay sa aking dibdib. Tumakbo ako dahil wala ng dahilan para manatili.

Nandyan ka lang ba talaga kahit noon pa man?

Marahil hindi ganito ang kinahinatnan ko – habambuhay na hinuhuli ang bawat patak ng ulan – kung sinubukan mo lang akong hawakan nang mas mahigpit, kahit sa huling pagkakataon.

Sinasalo ang bawat patak, bawat ngalan, bawat pagkakataon na hindi ko mahanap-hanap. Hindi kailanman kita makikita. Ako ay bulag kagaya ng aking puso. Dahil bulag ako, ang tanging tinitingnan ko ay ang hinaharap – palagi. Walang dahilan para lumingon.

Nandyan ka lang ba noon pa man, ilang hakbang mula sa aking likuran? Hindi ko alam. Hindi ko kailanman malalaman.

Kung nilapitan mo lang sana ako. Kung tinawag mo man lang ang aking pangalan.

Dati, manghang-mangha sila sa ulan. Sinasayawan nila ang pagbuhos nito nang magkahawak ang kamay habang sa kanila’y walang nakatingin. Ngayon, wala na ang musika, pero naroon pa rin ang ulan – maitim at kasing kapal ng langis – pero patuloy silang sumasayaw. Sa bawat hakbang, ang isa ay sumusunod sa isa. Pagod na sila sa larong ito pero hindi sila maaaring huminto. Ito ang kanilang buhay. At sa mundo nila, araw-araw, umuulan.

Advertisements

4 thoughts on “Sa Ilalim ng Iisang Buhos ng Ulan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s