Articulo Mortis

(maikling sipi mula sa isang orihinal na dulang may ganap na haba)

MGA TAUHAN

VERA – 35, Theatre Arts professor, namatay sa leukemia
LYKA – 10, batang natabunan sa landslide sa Bagong Silang, Laguna

Makikita sa entablado ang patakbu-takbong si LYKA, tumatawa, wari’y may kalaro. May dalawang swing sa isang gilid ng entablado.

LYKA: (tumatawa) Habulin mo ko! Dali!

Papasok si VERA, tila naliligaw.

VERA: Kulimlim! Kulimlim! Shet naman nasan ka ba?! Hoy!!! Nasan na ba ko?!

Tatahimik si LYKA, titigil sa pagtakbo.

VERA: (mapapansin ang bata) Hoy bata! Hoy! Anong lugar ‘to?

LYKA: (hindi titingin) Hindi ko po alam.

VERA: Ah, may kasama ka ba na pwede nating mapagtanungan?

LYKA: Kanina po narinig ko yung kaibigan ko. Pero mukhang wala na po sya. (akmang lalayo)

VERA: Hoy bata! Hoy! Anong ginagawa natin dito?

LYKA: (hihinto) Hindi po bata ang pangalan ko. Ako po si Lyka.

VERA: Ay sorry! Ang taray mo naman, Lyka. Dahil dyan, like kita. Haha! Ako naman si Ms. Vera.

LYKA: (lalapit nang kaunti kay Vera) Teacher po kayo di ba?

VERA: Pano mo nalaman? Ay, sikat na pala talaga ako!

LYKA: Sinabi lang po sa’kin ni Kulimlim.

VERA: Kulimlim? So totoo pala yung mokong na yun. Akala ko Wow Mali lang.

LYKA: (natatawa) Teacher, turuan nyo kong bumasa at sumulat.

VERA: Ay, ang hirap naman ng request mo. Hindi ako elementary teacher eh.

LYKA: Sayang naman po. Hindi kasi ako napasok sa eskwela eh. Wala po kasi kaming pambili ng mga gamit.

VERA: (maaawa) Kung gusto mo, tuturuan na lang kitang umarte! Hindi mo naitatanong artista ako.

LYKA: Alam ko po. Kaya ang galing-galing nyong magtago ng totoo nyong nararamdaman.

VERA: (maloloka nang konti) Ay! Winner ka sa mga line mo, ineng ha. Like na talaga kita, Lyka. (plastic na tawa) Apir!!!

LYKA: (snob) Bakit kailangan mong tumawa ngayon kahit nasaktan ka sa sinabi ko? (mapapatda si VERA) Aminin mo, nasaktan ka.

VERA: (matatahimik) Kaasar ka naman eh. Ilang taon ka na bang bata ka at kung anu-ano yang lumalabas sa bibig mo.

LYKA: Aminin mo, nasaktan ka.

VERA: (nagpipigil) Tama na. Ganda-ganda ko paiiyakin mo lang ako.

LYKA: Kaya ka po siguro nagkasakit dahil pinipigilan mong umiyak kahit malungkot ka o kaya nagagalit.

VERA: Patient lang ako.

LYKA: Masama po yun. Ang sikip po kaya sa dito. (ituturo and dibdib) Ganun dati si Tatay kapag galit na galit sya sa mga nagkakaingin sa’min.

VERA: (seseryoso) Hindi yun masama kung mas makakabuti sa iba. (itataas ang mood) Tama na nga! Bakit ba nagdadrama?! Tapos na ang libing, naibaon na ko sa lupa.

LYKA: Ako rin po nabaon sa lupa.

VERA: Malamang nilibing ka rin eh!

LYKA: Hindi po. Hindi na nga nila nakita yung katawan ko kasi natabunan na po ng gumuhong lupa.

VERA: Gumuhong lupa?!

LYKA: Dun sa barangay po namin sa Bagong Silang.

VERA: Bagong Silang?! Dun yun sa Mt. Makiling di ba?

LYKA: Sobrang lakas po ng ulan at hangin. Umaga po nun. Nakikinig ako ng balita sa radyo nang bigla na lang pong nagkaingay sa labas. Tapos parang may malaking bato na tumama sa bahay namin. Yun po ang huli kong narinig.

VERA: (dadaluhan si LYKA) Na-landslide ka! Nakakaloka! Buti buo kang nasundo ni Kulimlim.

LYKA: (pilit na ngingiti, tatalikod) Namimiss ko na po yung Lola ko at mga kalaro ko.

VERA: Eh di ipasundo na rin natin sila kay Kulimlim.

LYKA: (tatawa) Wag naman po.

VERA: (lalapit sa swing) Ayan tumawa ka na ulit.

LYKA: Gusto ko pong sumakay sa swing.

VERA: Eh di sumakay ka. Dito oh.

LYKA: Tulungan nyo po ako. Hindi ko kayang umakyat.

VERA: Oh sige. (aakayin at tutulungang isakay sa swing si LYKA) Ayan! Perfect!

LYKA: Salamat po!

VERA: Kaya kaya ako nito?

LYKA: Oo naman po. Dito ka na, teacher. Tabi tayo.

VERA: (sasakay sa swing) Nice! Oh, wag ka na malulungkot ulit ha. Mas cute ka kapag naka-smile.

LYKA: Ikaw po kaya ang malungkot. Kasi ayaw mo pang mamatay.

VERA: Aba, ayoko pa talaga! Ang dami ko pang hindi nagagawa sa Earth. Gusto ko pang mag-travel, matutong mag-cross stich, makakuha ng acting trophy, makapagtapon ng pakwan mula sa taas ng building, tsaka gusto kong makagamit ng fire extinguisher. Kaso epal na sakit yan, sa’kin pa dumapo.

LYKA: Matagal ka naman na pong nabuhay.

VERA: E ba’t ba? Sa gusto ko pa eh.

LYKA: Hindi ko kayo maintindihan. Gusto nyo pa ring mabuhay kahit madalas nasasaktan lang kayo ng mga tao.

VERA: (buntong hininga) Teka, pano ba? Ah, gusto kong mabuhay pa kasi gusto ko pang mag-swing. Hindi ba kapang sumasakay tayo sa swing, pwede tayong malaglag, pwedeng maputol yung tali, masasaktan tayo. Pero gusto pa rin nating sumakay ulit kasi masarap mag-duyan.

LYKA: Eh may duyan din naman po dito ah.

VERA: (bababa sa swing) Iba pa rin yung kasama mo pa rin sa duyan yung mga playmates mo. (katahimikan)

LYKA: Paano po maging magaling umarte, teacher?

VERA: Gusto mong matuto? (ngingiti si LYKA) Simple lang naman ang pag-arte, Lyka. Hahanap ka lang ng lugar kung saan pwede kang kumilos at magsalita nang malaya.

LYKA: (akmang bababa ng swing) Talaga po? (tutulungan ni VERA, pagkababa ay tatakbo sa kung saan) Pwede po dito?

VERA: Pwedeng-pwede! Tapos dyan mo gagawin yung pag-acting mo.

LYKA: Action na po ba?

VERA: Wait lang. Kapag aarte ka, dapat tandaan mo yung secret para maging best actress.

LYKA: Ano po yung secret?

VERA: Dapat, bilang artista, honest ka sa lahat.

LYKA: Eh hindi naman po ako nagsisinungaling. Kayo lang naman po ang mahilig magpanggap.

VERA: Ibig kong sabihin, hindi mo dadayain yung nanonood sa’yo. Hindi pwedeng nag-iiyak-iyakan lang. Dapat gagawin mo yung totoo mong nararamdaman. Kasi dapat honest ka sa sarili mo. (mapapatigil, hihina ang boses) Kahit nagpapanggap ka bilang ibang tao, dapat totoo pa rin yung pinapakita mo. (matatahimik)

LYKA: (mag-iiyak- iyakan) INAY!!!! Huwag nyo po akong ipamigay! INAY!!!

VERA: (mayamaya ay maiiyak) Tama na. Next time na lang kita tuturuan. (lalayo)

LYKA: Ayy, bakit po? Hindi po ba kayo natuwa?

VERA: Ahh hindi yun. Sa susunod na lang ulit. Sorry, Lyka.

LYKA: May problema po ba?

VERA: (iiwas) Wala. Wala ‘to. Next time na lang.

LYKA: Ayan na naman po kayo. Itatago nyo na naman ang pag-iyak nyo.

VERA: Sssh. Wag kang maingay dyan!

LYKA: Akala ko ba ang artista dapat honest?

VERA: (tuluyang maiiyak) Eh hindi nga pwedeng maging honest all the time. Kasi may mga masasaktan, may mga mag-aalala at mahihirapan.

LYKA: (hahayaang umiyak si VERA, mayamaya ay lalapit at yayakapin si VERA) Sabi ni Kulimlim, kamatayan daw ang lunas sa lahat ng karamdaman.

VERA: (iko-compose ang sarili) Ang dami talagang alam nyang si Kulimlim. Pero may point sya ha.

LYKA: (lalayo) Pero kahit nung mamatay ako, hindi pa rin po gumaling ang mga mata ko.

VERA: Huh?

LYKA: Gustung-gusto ko pong makapag-aral dahil dati gusto kong malaman kung ano ang kulay ng pula, kung ano ang kulay ng mga paru-paro. Gusto ko pong malaman kung anong itsura ng mga bituin, ng ulap… kung ano ang itsura ko pag nakangiti. (matitigilan si VERA) Pero hindi na po yun natupad. Hanggang ngayon bulag pa rin ako. (lalapit si VERA kay LYKA, teary eyed) Ang sabi sa’kin nung kaluluwang nakausap ko dati, kaya daw po siguro bulag pa rin ako ay dahil mas nakikita ko ang ganda ng mgabagay kapag walang paningin.

VERA: Totoo. Dahil kung gaano katingkad ng pula, ganun din kapusyaw ang dugo. At kung gaano kaningning ang bituin, ganundin kadilim ang gabi.

LYKA: Kung masama na po sa inyo ang mundo, dapat lumipat na kayo sa bagong palaruan na may bagong swing. (mapapayuko si VERA) Kaya wag kang magalit kay Kulimlim. Dahil kayo po ang kusang sumama sa kanya nang sunduin nya kayo.

VERA: Ako?? Kusang- loob na sumama?!

LYKA: Opo. Ayaw nyo na rin po kasing patagalin pa ang pag-problema sa’yo ng mga mahal nyo sa buhay. Lalo lang po kayong mahihirapan. Lalo lang  masasaktan ang pamilya at kaibigan nyo kung makikita ka po nilang unti-unting kinukuha ng sakit.

VERA: Pero malulungkot din sila na wala na ako.

LYKA: Alam po nilang masaya kayong umalis dahil desisyon nyo na bumitaw na. Huwag na po kayong umiyak. Ito po ang ating kapalaran. Kapag  nalaman po ng tao na may taning na ang buhay nya, dapat matatag nyang tanggapin na malapit na siyang mamatay. Kagaya po ng pagtulog ‘pag inaantok na. Darating po ang sandali na hindi na tama at wala nang saysay pa ang lumaban. (yayakapin ni VERA si LYKA)

official poster mula sa UPLB SamaSining

official poster mula sa UPLB SamaSining

*Ang Articulo Mortis ay unang itinanghal sa DL Umali Auditorium, UPLB.  Si Natasha Cabrera ang gumanap na Vera, samantalang si Roxanne Flores naman ang gumanap na Lyka.

Advertisements

2 thoughts on “Articulo Mortis

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s