Pagsugat at Pagmulat

*Ito ang huling bahagi ng genetic criticism ng aking undergraduate thesis. Nawa ay magsilbing inspirasyon para sa mga kapwa iskolar na kasalukuyang nakikipagbuno sa deadlines at nagnanais na makapagmartsa sa Abril.

Bilang huling rekisito para sa aking matagumpay na pagtatapos sa kolehiyo, alam kong ang pagbuo ng aking thesis ay nangangahulugan ng mas madalas na pagpupuyat, pagkahulog sa mas malalim na pag-iisip, pagbabasa ng higit sa nakasanayan, mas mainit na pakikipaghalikan ng aking bolpen sa papel, at higit sa lahat, paglaki ng aking kalyo. Ang pagsusulat ay nangangahulugan ng pagpapatubo ng nakakainis at nakakadiring (para sa ibang tao) kalyo. Kaya’t ang pinakamalaking tanong ko sa aking sarili, bakit ka pa magsusulat? Bakit ka magpapalaki ng kalyo?

Ang kwento ng aking kalyo ay ang kwento ng aking panulat. Nananatili ito sa aking kanang palasinsingan dahil patuloy ako sa pagsusulat. Nangangawit man kung minsan, hindi kailanman napagod at nagsawa ang aking kamay dahil gusto nito ang kanyang ginagawa. Magsusulat ako, tutula, at magpapalaki ng kalyo dahil iyon ang gusto ko.

Sa buong proseso ng pagbuo sa aking awtput, hindi ko inisip at itinuring na isa lamang itong rekisito na dapat kong matapos para sa grado na dapat kong makuha. Maraming beses na halos matuyuan na ng tinta ang aking isip. Ilang gabi ang binuno ko sa tunggalian ng aking panulat at imahinasyon. Pero sa kabila ng lahat ng ito, nanaig ang pagnanais ko na maipakita ang mukha ng Hagonoy.

kuha ng may-akda sa Sto. Rosario Hagonoy, Bulacan

kuha ng may-akda sa Sto. Rosario Hagonoy, Bulacan

Totoong mahirap pa rin sa akin ang magsulat kahit ilang ulit ko na itong ginawa. May mga pagkakataon na nauubusan ako ng sasabihin, nauutal, minamalat, at kung minsan ay tinatakasan ng sariling tinig. Ganunpaman, pinipili ko pa rin na muling tumitig sa papel hanggang sa tumulo rito ang dugo mula sa aking ulo dahil kung hindi, parang pinili ko na rin na maging pipi. Pangarap kong maging manunulat, isang kwentista o makata, at upang matupad iyon, hindi dapat magmaliw ang pag-ibig ko sa pagsulat. At sa pagtupad ko sa pangarap na ito, nais kong makasama ang sinapupunang nagluwal sa akin. Kung magiging manunulat ako, magiging manunulat ako na nagmula sa Hagonoy at para sa Hagonoy. Ito ang nagtulak sa akin upang paghusayan ang pagmamapa ng aking bayan gamit ang mga tula. Naniniwala ako na ang pook kung saan tayo isinilang at yumabong ay isang pintuan patungo sa ating panloob at emosyonal na sarili. At kung saan ako nagmula ay may malaking impluwensya sa kung sino ako bilang isang makata at kung paano ako tumula.

Bilang isang anak ng Hagonoy, naisip kong magsulat dahil sa pamamagitan ng aking mga katha, magagawa kong maitala at maipreserba ang mga yaman ng Hagonoy. Para sa akin, ang mga tula ay kagaya ng mga litratong maaring tingnan kung may nais kang balikan sa nakaraan. Sa mabilis na takbo ng panahon, maraming mahahalagang bagay ang naiiwan na lang sa kahapon at madaling nakakalimutan at napapalitan. Tutula rin ako upang ilahad ang ilang natatagong bahagi ng kasaysayan ng aming bayan na lingid sa kaalaman ng nakararami. Sa pagbuo ko ng thesis na ito, marami akong natuklasan ukol sa mayamang lumipas ng Hagonoy. At nais ko itong ibahagi sa iba pang supling na iniluwal ng aming bayan. Susulat ako nang sa gayon ay manatiling buhay ang ‘pagkabayan’ ng Hagonoy kahit man lamang sa mga tula.

Marami na ang nagsabi, hindi biro ang pagsusulat. Hindi lingid sa aking kaalaman na walang maipapangakong magandang buhay ang aking kalyo. Posible rin na ang kalyo kong ito ang tanging makakasama ko sa landas na gusto kong tahakin. Alam ko, hindi madali ang maging isang manunulat lalo na sa isang bansang hindi gaanong pinahahalagahan ang ganitong uri ng sining. Subalit alam ko rin na may dahilan ang pagtubo ng aking kalyo. Magsusulat ako, tutula, at magpapalaki ng kalyo dahil ito ang kailangan.

Ang payo ni F. Sionil Jose sa mga batang manunulat, “Do it [write] because there’s so much hypocrisy and cussedness in us and who knows, you may be able to exorcise a bit of those.” Nagtagumpay si Sionil Jose nang isulat niya ito. Nagawa niyang guluhin at paganahin ang aking sistema hanggang sa humantong ako sa isang pagkatuklas. Naisip ko na maaring gamitin ang mga tula bilang panugat at pangmulat.

Matalas ang mga salita at kung magagamit ng tama, magagawa nitong sugatan ang mga kinakalawang na utak upang muling dumaloy ang dugo. Sa aking mga tula, nais kong ipakita na ang mga payak na karanasan ko sa aking bayan o ang mga simpleng detalyeng bumubuo sa Hagonoy, kapag nilangkapan ng masining na interbensyon ng makata, ay maaring maging maganda at mabisang piyesa na tumatalakay sa mabibigat na isyung panlipunan, pampulitika, at pangideolohiya. Sa pamamagitan naman ng mga taludtod at saknong na aking nilikha, naniniwala ako na posibleng umusbong ang kamulatan ng kung sinumang makakabasa ng mga ito. Kung hahantong sila sa pagkaunawa, madidilig sila ng kaalaman at maaring tubuan sila ng pakialam at maisip nilang makisangkot sa kung anumang nilalayon ng tula.

Maraming bagay na rin ang nakalimutan natin sa paglipas ng panahon. May mahahalagang bahagi ng ating nakaraan ang hindi na natin alam o sadyang binura na sa ating isipan kung kaya’t nawawala ang ilang parte ng ating kabuuan. Mahalagang masumpungan natin itong muli upang maging ganap ang ating pagkatao. At isa sa pinakamabisang kasangkapan upang kilalanin ang ating mga sarili ay ang ating panitikan. Batid kong kailangan ang aking panulaan sapagkat maraming tulad ko na hindi na nakikilala pa ang lupang sa amin ay nagluwal.

Hindi ako naniniwalang kakaunti na ang mga manunulat sa ating bansa. Alam kong marami pang makata at kwentista sa bawat sulok ng Pilipinas ngunit wala silang kakayahan na ipamalas ang kanilang angking galing. Mapalad ako dahil nariyan ang unibersidad na nagbibigay sa akin ng pagkakataon na maipakita ang aking mga naisulat. Hindi ko sasayangin ang pagkakataong iyon.

kuha ng may-akda sa Dambana ni Sta. Ana sa Hagonoy

kuha ng may-akda sa Dambana ni Sta. Ana sa Hagonoy

Sa kahit na anong kadahilanan, ang isang manunulat upang maging isang tunay na manunulat ay dapat na magsulat. Tumutula ang isang makata sa parehong dahilan na nagsasaliksik ang mananaliksik, umaawit ang mang-aawit, naglalaro ang manlalaro, at namumulitika ang politiko. Lahat sila maliban sa huling nabanggit, ginagamit ang kanilang talento para sa pagbabago, sa pagsulong, sa pag-angat sa sarili at sa mga taong nakapaligid sa kanya. Kaya naman magsusulat ako, tutula, at magpapalaki ng kalyo dahil ito ang dapat.

Ayon kay Piotr Sztompka, isang sosyolohista, ang bawat isa sa atin ay may ambag sa panlipunang pagbabago. Aniya, “distributively each has a minor, practically invisible agential power, but collectively they are all powerful.” Sa madaling sabi, kung magsasama-sama ang mga tao tungo sa isang layunin ng pagbabago, malaki ang magagawa nitong epekto.

Ako, bilang isang kabataang makata, alam ko na may magagawa ako. Isa rin akong social mobilizer (ayon kay Sztompka) sa paraang alam ko at kaya kong gawin. Biniyayaan ako ng panulat at papel at alam ko na dapat ko itong gamitin hindi lamang para sa pansariling pag-unlad. Hindi man ako isang malaking boses sa napakalaking mundo, alam ko na may magagawa ang aking bulong, at ang pinakamabuting gawin para marinig ako ay ang maglabas ng tinig. Tutula ako upang bigyang lakas at boses ang mga pinipi at nilumpo ng sistema. Tutula ako para sa mga piniringan ang mata, binusalan ang bibig, at ninakawan ng pagkakataon na makapagpahayag.

Batid kong napakarami ng naisulat ukol sa mga isyung nais kong talakayin. Nakakaumay na kung tutusin ang paulit-ulit na tema ng mga kathang pampanitikan. Marahil may mga magsasabing sapat na o sobra na nga ang mga naisulat. Ngunit naniniwala ako sa sinabi ng isang ‘di kilalang tao na nabasa ko sa isang pahayagan:

Hindi natin pwedeng sabihing sapat na ang ating ginawa at nagawa dahil ang kasapatan ay nangangahulugan ng paghinto, at nag paghinto ay kawalang-aksyon. Palagi nating pag-usapan ang mga bagay gaya ng kapayapaan, upang hindi tayo makalimot na magulo ang ating bansa.

Aaminin ko, hindi ako nakasisiguro kung mayroong mag-aaksaya ng panahon para pakinggan ako. Alam ko na isa lamang akong bagito at hindi malayong hindi pagtuunan ng pansin o tapunan man lang ng tingin. Ngunit kung hindi ko susubukan, kung hindi ako susugal, wala rin akong mapapanalunan. Bata ako. Kaya lalo dapat akong magsulat hangga’t nasa akin ang lakas ng katawan at talas ng isipan. Bata lamang ako. Pero sa prosesong ito, alam ko na may matutuhan ako dahil pinili ko ang dapat. Pinili kong mag-aral at tumula.

Higit sa lahat, alam ko na dapat akong tumula dahil hindi ko dapat kailanman lisanin at limutin ang aking pinagmulan, ang Hagonoy. Tama si Sionil Jose, “write wherever you can do it best, in exile perhaps, but never leave your village, your town, your beginnings.” Batid kong saan man ako dalhin ng aking bolpen at papel, isang daan lamang tatahakin ko pabalik. Isang bayan lamang ang aking uuwian.

kuha ng may-akda sa Sta. Monica Hagonoy, Bulacan

kuha ng may-akda sa Sta. Monica Hagonoy, Bulacan

Patuloy akong tutula para paganahin ang isip at puso ng mga kapwa ko Hagonoenyo, Bulakenyo, at Filipino. Dahil sa bansang ito, maraming tao ang may isip ngunit hindi nagsasalita at maraming tao rin ang nagsasalita ngunit hindi nag-iisip. Tutula ako para sa kanila, para magtugma ang dalawa. Tutula ako para manggulo, manggitla, manggising, at nang sa kinalaunan ay mag-isip sila, magtanong, matuto, makialam, at kumilos. At ang palaging magpapaalala sa akin na gusto ko, kailangan ko, at dapat akong magsulat ay ang kalyo sa aking kanang palasinsingan.

Advertisements

One thought on “Pagsugat at Pagmulat

  1. Pingback: Minsan Din Akong Nagsulat ng Romance Pocketbook | Kalyo sa Kanang Palasinsingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s