Sapagkat Hindi pa Tapos ang Alamat: O Kung Paanong Dudurugin ng mga Alaala ang Natitira Mong Bait

334958_2107041610707_1228874913_o

Ang prosang ito ay para sa mga nahumaling at patuloy na nahuhumaling sa nobelang Para Kay B ni Ricky Lee.

***

Barong ang suot ni AJ nang makipag-break sa kanya si Randy. Pakiramdam niya, ililibing na siya. Kinuha niya lahat ng pinaggupitan niyang kuko na inipon ng exboyfriend. Sa kabila ng pagdadalamhati, natakot siyang baka kulamin siya nito.

Nakita ni Ruben na matamang nakatitig sa TV si Belinda. Pinanood niya ang bata habang nakikinig sa flash report. Naaresto daw ng otoridad ang anak ni Col. Moncayao na isa sa mga pangunahing dealer ng drugs sa Maynila. Dinakip din ang isang lalaking nasangkot sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot. Ang pangalan niya ay Lupe, walang apelyido. Gusto lang daw niyang bumili ng bagong gitara na gagamitin niyang pang-harana sa kanyang mag-ina.

Hindi na suot ni Irene ang cheap watch nang muli silang magkita ni Jordan para magkape. Nanakaw daw habang tulala siyang nakasakay sa jeep, hinablot ng isang batang lansangan. Humingi sila ng tawad para sa lahat ng nangyari. Nakinig sa mga paliwanag at mga kwentong ilang taon nilang pinanabikang sabihin sa isa’t isa. Bago umuwi, may inabot na papel si Jordan kay Irene. Listahan. Dalawampung lugar na pangarap niyang mapuntahan kasama si Irene. Pagkabasa ay ibinalik ni Irene ang papel. Wala siyang natandaan sa mga nakasulat kundi ang huling lugar. Traveler’s Inn.

Hindi namalayan ni Sandra na tumutulo na ang kanyang luha habang nakatitig siya sa papalubog na araw. Iilan lang ang nagdadaang tao noon sa Baywalk. Mag-iisang oras na siyang nakapako sa kinatatayuan, naiinggit sa kapanatagan ng lawa sa kanyang harapan. Pinahid ng kanyang palad ang malamig na luha sa pisngi. Bumuntong hininga tsaka nagpasyang lumakad palayo. Subalit nahagip ng kanyang paningin ang isang dalagang nasa may batuhan. Tila sumisigaw ang dalaga ngunit dinadala lang ng hangin at tinatalo ng alon ang kanyang tinig. Napansin ni Sandrang umiiyak ang dalaga. Tulad ng dati, hindi niya kayang hindi maging patas sa taong nangangailangan ng tulong. Nilapitan niya ang dalaga. Umiiyak nga ito. Nang titigan ni Sandra ang luhaang mata ng dalaga, nakita niya ang puso nito. Wala siyang nasabi. Inabot niya ang isang panyo sa dalaga at tsaka muling tumitig sa araw.

414577_2271756288471_212964389_o

Nag-iiyakan ang mga anak ni Pio nang ihatid siya sa kanyang huling hantungan, sa isang maliit na sementeryo sa Mercedes. Kaunti lamang ang mga nakipaglibing. Hindi nagpunta lahat ng kasama niyang mangingisda. Yakap-yakap naman ni Sara ang isang maliit na imahen ng Manaoag na ilang taon na ring nagmamatyag sa kanila mula sa altar na kinalalagyan nito. Nang ipasok sa nitso ang kabaong, lalong lumakas ang iyak ng mga bata. Ngunit nanatiling walang kibo si Sara at wala ni isang luha ang naglandas sa kanyang mukha. Lumapit siya sa nitso at ipinasok doon ang imahen. Humina ang mga palahaw nang simulan ang pagsimento sa lapida ni Pio. Nakatitig kay Sara ang mga nakipaglibing, may mga bulungan, may mga narinig siyang paratang. Pero wala na siyang pakialam. Kinapa ng kanyang kamay ang isang nakatuping papel sa bulsa ng kanyang palda. Nilamukos niya ito nang yakapin siya ng bunsong anak.

Kanina pa pinagmamasdan ni Ester ang isang ginang na walang pagod na kinakausap ang naka-wheel chair nitong anak. Kahit ano namang sabihin ng ina ay hindi kumikibo o kumikilos man lang ang binata. Baldado. Delayed ang flight nila kaya tulad ng iba pang mga pasahero, wala silang magawa kundi ang libangin ang sarili. Panay ang tingin ni Ester sa kanyang cellphone. Umaasang may darating na mensahe bago pa man dumating ang eroplanong maghihiwalay sa kanya sa maraming alaala. Ilang saglit pa, narinig na ng lahat ang announcement na dumating na ang eroplano. Unti-unting nagkaingay ang paligid ngunit natahimik muli ang lahat nang sumigaw ang binatang naka-wheel chair. Narinig nang lahat ang pangalang tinawag niya. Erica.

Pawisan si Lucas nang lumabas sa isa sa pinakalumang classroom sa eskwelahang pinagtuturuan niya. Ilang buwan na rin siya sa San Ildefonso. Mag-isang nakatira sa isang maliit na apartment malapit sa simbahan. Hindi mawari ni Lucas subalit hindi pangkaraniwan ang bigat na nararamdaman niya simula pa kanina pagbangon niya. Hindi siya mapakali. Pag-upo niya sa harap ng kanyang mesa, inubos niya ang tubig na nakalagay sa kanyang tasa. Hinubad niya ang kanyang salamin at inilapag sa ibabaw ng mga libro. Noon niya napansin ang isang pulang envelope. Wala yun sa mesa niya kahapon. Binuksan niya ang envelope. Natabig niya ang tasa nang makita ang laman. Imbitasyon sa kasal.

tumblr_lwwybzA3QU1qaq6bho1_500

——————

Dalawang beses nang naipalabas sa UPLB ang stage adaptation ng Para Kay B. I-click ang mga sumusunod na link upang mapanood ang teasers at trailer ng dula:

Advertisements

3 thoughts on “Sapagkat Hindi pa Tapos ang Alamat: O Kung Paanong Dudurugin ng mga Alaala ang Natitira Mong Bait

  1. Pingback: Kabog, Kilig, Kirot sa UST | Kalyo sa Kanang Palasinsingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s