Lilisanin Ko Ang Dekada

Tigib naman ang kabilang bulsa ng mga tuyong dahon at bulaklak na bagaman bulok at lanta na ay maaaninagan pa rin ng mga imahe ng mapagmilagrong mukha ng pag-ibig.

Tigib naman ang kabilang bulsa ng mga tuyong dahon at bulaklak na bagaman bulok at lanta na ay maaaninagan pa rin ng mga imahe ng mapagmilagrong mukha ng pag-ibig.

 

Lilisanin ko ang dekada na puno ng musika ang aking kaluluwa.
Nagsasalimbayan ang isandaan at isang nota at melodiyang
binuno ng kung ilang pagbabagong-hugis ng buwan—
at binuo ng kung ilang kompositor na nagturo sa aking umawit kasabay ng hangin.
Lilisanin ko ang dekada
dala ang bawat pilas, piraso, at retasong
napulot, natisod, at nahagip
ng malikot kong haraya at panaginip.

Sa aking kanang kamay, hawak ko ang isang sakong halakhak
na pinagtulungan nating punuin.
Mabigat man at nakakangawit dalhin,
itatawid ko ito sa susunod na taon upang muli nating tawanan
ang simangot, kunot-noo, at pagkabagot.
Sa kaliwa ko naman ang isang dakot na luha
na sa init ng aking palad
ay unti-unti nang natutuyo.
Manlalagkit ito upang ipaalala sa atin na sa pagkalagas ng oras,
hindi lang minsan tayong nalungkot, nangulila,
nagduda, at nagdalamhati—
Nang sa gayo’y matutuhan nating ang pag-iyak
ay paglilinis ng mata upang makita ang mapanghalinang abot-tanaw.

Namumutok ang isang bulsa ng aking pantalon
sa mga liham na tinanggap ko mula sa mga tulad mong dibuhista
na nasanay nang ipinta ang obra at nadarama
gamit ang mga palabra.
Bawat tuldok, tandang pananong, at kuwit
na sa papel na ito ay nakaukit
ay mananatiling bahagi ng kasaysayang hinabi
ng ating mga kwento, buntong-hininga, yakap,
halik, at pananahimik.
Tigib naman ang kabilang bulsa ng mga tuyong dahon at bulaklak
na bagaman bulok at lanta na
ay maaaninagan pa rin ng mga imahe ng mapagmilagrong mukha ng pag-ibig.
Subukan mong isubo at nguyain ang ilang talulot
upang malasap ang nagtatalong tamis at pait,
ang lumbay at kilig ng mga dapithapong magkadahop ang ating mga palad
at palihim na nangungusap
ang ating mga titig at kurap.

Lilisanin ko ang dekada na walang sapin ang aking mga paa
upang kumapit ang putik, buhangin, bato, at semento
na nadaanan ko sa ilang ulit na pagpasok ko sa masukal na gubat
at pagsisid sa nanlalabong ilog.
Hindi ko huhugasan ang mga ito
upang maramdaman ko pa rin ang kumikirot na hiwa
sa aking talampakan at hinliliit,
nang sa gayon ay palagi kong maalala
na sa bawat pagtapak ko sa lupa man o sa lawa
may napala akong sugat na dumugo at nagnana
upang ipahiwatig na ako’y buhay pa.

Lilisanin ko ang dekada nang walang laman
ang aking puso at diwa.
Walang kahit na anong bagay, salita, lugar, mensahe, at regalo.
Walang kahit na sinong kadugo, kagalit, kaibigan, kakilala, at katrabaho.
Lilisanin ko ang dekada nang walang laman
ang aking puso at diwa…
upang sa muling pagdilat ng naiidlip na panahon,
may malaking puwang na naghihintay sa mga taludtod at talinghaga
na isusulat at tutulain
ng isang piping tulad ko—
kasabay ng mga taong mananatili at darating pa lamang
na kasama ko sa pagtawid sa kabilang pampang.

___________________

10 Oktubre 2010

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s