Nostalgia ang Hatid ni Glenda (Para sa Lahat ng Nananabik sa Elbi)

Hindi kagaya ng karamihan, hindi ako nanlumo nang kumalat ang mga pictures ng Elbi matapos ang Bagyong Glenda. Personal ko kasing nakita at naranasan ang Milenyo, almost 8 years ago. Halos pare-parehong mga imahe at eksena– tumumbang puno, bumagsak na poste, nagkalat na mga sanga at dahon, nasirang kainan at apartment. Mayroon pa ngang baha sa dorm, sa taas ng Makiling.

Nakabawi ang Elbi sa lahat ng ito. Kaya tiwala akong makakabawi ulit siya sa ikalawang pagkakataon.

Ganunpaman, may dala pa rin sa akin na extreme emotion ang ‘di mabilang na albums ng “Wrath of Glenda”, “Glenda in UPLB”, at “Glenda Aftermath”. (Tunog title ng music album pala ang mga ito) Mas namayani ang nostalgia kaysa sa lungkot, pagkabigla, o panghihinayang. Habang iniisa-isa ang mga larawan sa Internet, nagbalik sa akin ang mga alaala ng…

1. pagba-bike pa-ikot sa Freedom Park.
Lalo na yung mabilis na pag-pedal sa kahabaan ng Men’s at Women’s Dorm, tapos pagliko papunta sa Baker ay kusang ititigil ang pag-pedal– hahayaan lang umarangkada ang bisekleta habang nakikipagbanggaan ang katawan sa hangin.

2. pagtambay sa Pussy Place.
Ito ay isang liblib na elevated part na maaakyat kapag tinunton ang pataas na kalsada sa pagitan ng Men’s at Women’s Dorm. Somewhere there, kakaliwa ka. Tapos tatahulan ka ng maraming aso. Pero paglampas mo sa kanila, makikita mo ang uninterrupted view ng Elbi canopy, Carillon Tower, at mountain range.

3. pagdaan ng Forestry jeep sa makapal na fog sa bundok.
Nangyayari ‘to kapag malapit nang mag-Pasko. Pinakamakapal at pinaka-creepy ang fog sa daan paakyat sa New Foreha. Kasabay ng pagkakaroon ng fog ay ang pag-usok ng hininga ng mga nagdo-dorm sa Forestry. Cool.

4. mainit na tubig sa shower ng Mareha.
Minsan maligamgam, minsan nakakapaso. Pero ang best benefit, sabi nila, nakakaputi.

5. paglalagas ng dahon ng mahogany kapag malapit na ang graduation.
Tuwing umaga, makikita mong kakawalis lang ng mga ito sa gutter. Gugustuhin mong tumapak o lumakad sa tumpok ng mga tuyong dahon para marinig ang tunog ng sabay-sabay nilang pagkapilas. Crispy.

6. pag-inom ng isang litrong choco milk sa lilim ng Fertility Tree.
Mas masaya ‘tong gawin kapag umuulan. At nakayapak.

kuha ng may-akda sa UPLB Freedom Park

kuha ng may-akda sa UPLB Freedom Park

7. nakakapaningkit na ihip ng hangin habang nakasakay sa jeep papuntang IRRI.
Syempre, para kumain sa cafeteria. Hinahabol ang 11:30 am para hindi mapagsarahan. Walang mintis na tatanawin at papansinin at kaiinggitan ang isang kubo o bahay na nakatayo sa gilid ng bundok. Tanda nyo pa? Hindi ko pa yun nararating.

8. paghiga sa damo ng Freedom park.
Kahit mamasa-masa. Kahit madalas ay makati. Habang tinititigan ang puting krus na gusto mong alamin kung paano puntahan.

9. pagtulog/pag-idlip sa likod o sa kasuluk-sulukan ng Main Lib.
Okay lang kahit hindi pa air-conditioned noon. Kung nasa loob ka, bubuksan mo lang ang umiingit na bintana, aamuyin ang samyo ng nabubulok na papel, and voila, welcome to dreamland. Kapag nasa labas naman, hahanap ka lang ng bakanteng pwesto na walang nag-gu-group meeting o naglilingkisan, tapos sasandal sa salamin o mahihiga sa sahig, sisipol para humangin, at pipikit.

10. paglalakad sa pasikut-sikot ng Umali Subd.
Nung wala pa masyadong coffee shops sa Elbi, mahilig maglakad ang mga tao. Magkukwentuhan lang habang pumapangas ng proben. Kapag sinuwerte, dadaan sa may LBNHS para mag-swing.

11. 5 pm Red Horse session sa tindahan sa harap ng Mini Tondo.
Ito yung store na katapat ng sikat na probenan sa Raymundo. May isawan din dati sa harap nun. Solb! Pwede rin naman na ilagay sa plastic na may straw ang alak, tapos ay lalakad paikot sa campus. Like a boss.

12. pagtambay sa Hum Steps.
Habang nakatitig sa likod ni Oble. Habang naghihintay ng groupmates or orgamates. Habang nilalanghap ang sigarilyo ng iba. Habang nakikitawa sa jokes ng iba. Habang nakikinig sa sumisigaw sa megaphone. Habang nagpapatila ng ulan. Habang nagdedesisyon kung papasok, o iinom, o matutulog.

Hay. Mahabang mahaba pa ang listahan kung iisa-isahin ko ang bawat sulok at kanto ng Elbi. ‘Yang mga alaalang iyan ang hindi kailanman mawa-washout ng kahit na anong bagyo. Kaya para sa lahat ng nasesenti sa delubyong nangyari sa Elbi, kalma lang. May sariling paraan ng pag-recover ang mga green things growing sa campus na ilang dekada nang sumasaksi sa masalimuot na buhay ng kung ilang milyong estudyante.

*Elbi Nights by Hemp Republic slowly fades in…

Advertisements

2 thoughts on “Nostalgia ang Hatid ni Glenda (Para sa Lahat ng Nananabik sa Elbi)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s