Paanong ang Pagbabagong Morpoponemiko ay Tulad ng Pag-ibig

Para sa Buwan ng Wika…

MGA TAUHAN

CARLA – rich girl, estudyante ni Mr. Librada, rebeldeng anak
GINOONG LIBRADA – Filipino professor, poet, tibak since college

CARLA: (itse-tsek ang laman ng malaking bag na dala niya, manaka- nakang sisilip sa bintana, sa harap, at sa likod ng jeep) Nasundan kaya nila ako? (magtatanggal ng hood) Oh gee, my hair’s crazy. And I feel that I look so horrible. Ugh. (may hahanapin sa bag) Crap. Naiwan ko pa’ng make up kit ko sa dorm. Shit naman. (magta- tantrums) Shit! Shit! Shit! Ah, manong sa Physci lang, bayad po. (kukunin ang cellphone, may tatawagan) Shit! Answer the phone. Please. Answer the phone, Julius. (ibaba ang cellphone) GOD! Where the hell are you?! (iko- compose ang sarili)

Tell me, kasalanan ba’ng magmahal? Ha? Is it a mortal sin to fall in love? Nakasulat ba ‘yun sa Holy Bible or what? Tell me. Hindi naman, ‘di ba? I don’t get it. I don’t get them. Why people keep on telling you na hindi dapat, na hindi tama. The hell! Ano ba’ng alam nila? It is my heart and it is my life! Kung anuman ang gawin ko dito, wala silang pakialam. ‘Di ba?! Hindi naman sila yung kinikilig o naseseduce at some point, so they don’t understand what I feel. Hindi rin naman sila ang masasaktan at iiyak once I get dumped. Kapal lang ng mukha niya kung siya pa’ng makikipag- split.

Pero do you get my point, huh? People want to take you away from your boyfriend or girlfriend, or whatsoever without realizing that they’re hindering your happiness. And these people— these people, most of the time, are the people you love. Yung mga tao that you expect who will understand your feelings, and— and your needs. I hate it. I hate them! Ano ba’ng masama kung ma-fall ka sa isang tao who’s nine years older than you? Issue pa ba yung ngayon?! And please, what’s so sinful about having a relationship with your professor? Uhh— yeah, professor. (kukuha ng sigarilyo at lighter sa bag, susubukang magsindi pero sasawayin ng DRIVER at ituturo ang No Smoking Sign) Leche! Hanggang dito sa jeep may epal pa rin.

Ano naman kung magkagusto ko sa teacher ko at patulan n’ya ko? Babae naman ako at lalaki s’ya. Is that immoral?!  And excuse me lang sa mga nagsasabi sa’kin na dapat namimili naman ako ng lalaking lalandiin. Napipigilan ba ang heartbeat?! Hello! Kahit sila, at kahit na kayo, you know for a fact na hindi napipigilan ang love. It’s part of our humanity— and psychology. I remember, sabi ng Psy1 teacher ko, love is a part of human neurology— that we automatically associate and attach positive emotions to the person who was with us when we experienced intensed emotions. Yes, mukha lang akong tamad mag-aral pero nakikinig ako when I’m in the mood.  May sinabi pa siya about our hormones, and this is verbatim ha, that “the excitement of the anticipation of meeting your special someone and the potential joy and fun cause the body to release hormones and chemicals that create a state of euphoria”! Hindi ko naman kayang pigilan ang surging estrogen ko kapag nandyan si Sir Librada! (mabibigla at mahihiya nang konti)

Yeah, it’s Julius. I mean, si Professor Julius Librada ng Filipino Department. He was my teacher in Fil1 last summer. Sining ng Pakikipagtalastasan, I didn’t even know what’s the meaning of the course title. Hindi ko makakalimutan, first meeting, he was late in class. And I hated him for using the whole period sa pagdiscuss ng syllabus and classroom rules n’ya. Gusto n’ya, tawagin namin siyang Ginoo. Haha! Ginoong Librada. Yuck. He’s so strict, and corny, and most of all, baduy. Lalo akong nairita because he was speaking in straight malalim na Tagalog. Nililimi… kwaderno at takdang aralin… inuusig… pagtatasa at markahang pagsusulit. Ugh, nakakasuka. Ayoko na sanang bumalik the next day pero that was my only subject so I had to continue. Akala ko, my misery would end sa mga salitang minana pa n’ya yata sa lolo ng lolo n’ya. But no! second week ng class, he asked us to report individually. And my topic— God! Ni hindi ko ma- pronounce appropriately. Mga Pagbabagong Merpo— Morpopome— Mga Pagbabagong Morpo – po- ne- mi – ko. Yeah, Mga Pagbabagong Morpoponemiko. Gee, I thought it was the end of the world. Wala akong idea kung anuman yun at above all, kailangan naming makipagtalastasan in Filipino.

So I had no choice. I consulted him. Sa cubicle n’ya, kami lang dalawa. Nagulat ako nang slight dahil parang hindi siya yung teacher ko. He looked so manly and professional. As he discussed the meaning of morpema, ponema, asimilasyong ganap at di- ganap, metatisis, at pagpapalit titik, mas naappreciate ko ang passion n’ya for our language. Ramdam na ramdam ko na he’s really into that, na mahal na mahal n’ya ang Tagalog, or Filipino, whatever.

Sabi ng Psy1 prof ko, it takes between 90 seconds and 4 minutes to decide if you fancy someone. After that consultation, I knew that Ginoong Librada was already special. Syempre I shared it to my friends para may manunukso sa’kin sa loob ng class. You know, reinforcement. And when I delivered my report, naging masigasig talaga ako sa pag-uulat. With all the visual aids! Of course, mission accomplished. Natuwa sa’kin si Julius. Simula nun, I did my best to impress him sa lahat ng course outputs. I almost aced all his papers. At everytime na mababasa ko yung comments n’ya, pakiramdam ko those were love notes.

Initially, I thought it was purely admiration and the feeling would go away after sometime. I was wrong. I remember, when we tackled mga bahagi ng pananalita, I was so active and involved. When he asked for an example of pangngalang pantangi, I answered his full name, Julius Evan Taguinod- Librada. Tinukso kami ng buong klase, and I felt na kinilig din s’ya. Nung pandiwa naman ang topic namin, hindi participative ang class so I had to speak up. I recited a lot of examples in various panahunan. I said, nanigas… ipinasok… lumabas… umuungol… bumulwak… hinihingal. Tumawa si Julius nang super lakas after at nagpalapakpakan naman ang mga classmates ko. When we discussed pang- uri, parang naiilang na si Sir. When he provided examples of pang-uri, I saw him staring at me when he said— maganda. I died! Not just that. Nung sa panghalip naman, nahuli ko ulit s’yang nakatitig sa’kin when he used ‘ikaw’ in a sentence. Sabi n’ya, ikaw ay aking iniibig. I died the second time around.

Each day that passed made the feeling more intense, more sincere, and more honest. And bago pa magtapos ang summer, he formally asked me for a date. I felt my kness shaking, my heart rapidly pulsating, my blood draining nung nagtapat s’ya sa’kin. I didn’t know what to say pero I knew to myself na ayokong i-hide ang feelings ko for him. We understood each other’s unspoken words. Niligawan ako ni Julius tulad ng isang normal na manliligaw, except that hindi s’ya nakilala ng parents ko. Lalo ko siyang minahal dahil sa mga poems na sinusulat niya for me. After three months, sinagot ko siya. That was August, Buwan ng Wikang Pambansa.

As expected, iba-iba ang reactions ng people surrounding us. May mga natuwa, syempre may mga nag-discourage. For the first two months, kailangan naming magtago, only because he was my teacher and I was his former student.  I remember very well the first time he reached out for my hand in public. I did not resist. With our fingers entwined, I knew I never wanted to lose him. Never mind if our relationship goes against conventions. Never mind if this is continuously being questioned and the people frown on such relationship. Mahal ko si Julius. Kaya ipaglalaban ko siya kahit na kanino. Kahit kay daddy.

(magri-ring ang cellphone) Dad. (matataranta, ika-cancel ang tawag, tapos ay papatayin ang cellphone) Three weeks ago, naconfirm ni Daddy na Julius and I live together. Gusto niyang hiwalayan ko si Julius, pero h- hindi ko kaya. I could never do anything to hurt him. I am truly happy with him and I will continue to be so because I know I made the right choice. Kailangan naming makaalis dito ni Julius bago kami abutan ng Daddy. I know his plans. I have to save Julius. I have to save him in order to save us. (sisilip sa bintana) Shit! Lampas na ‘ko. Para na po! (patakbong bababa)

***

Hindi makasasapat sa iyo ang pang-uring maganda, o ang mas maganda, kahit pa ang pinakamaganda. Sapagkat sa tingin ko, walang salitang makapaglalarawan sa taglay mong kagandahan.

Hindi makasasapat sa iyo ang pang-uring maganda, o ang mas maganda, kahit pa ang pinakamaganda. Sapagkat sa tingin ko, walang salitang makapaglalarawan sa taglay mong kagandahan.

MR. LIBRADA: (paulit-ulit na sinusubukang tumawag pero cannot be reached ang kabilang linya) Ano na kayang nangyari dun? (hindi mapakali) Kani- kanila lang nakatext at nakatawag pa s’ya eh. Hay. (ibababa ang cellphone, mapapansin ang nakasuot na ID, huhubarin at itatago sa bag) Alin ang naiiba? Kompetisyon. Karera. Sugal. Sabong. Gyera. Pag-ibig. Sagot: Wala. Tanong: Sa pagmamahal, paano ba nalalaman kung sino ang nagwagi o kung sino ang uuwing sawi? Sagot: Wala… walang makapagsasabi. Ano ba ang kaya mong gawin para sa pag-ibig? Hanggang saan ba ang hangganan kapag nagmamahal ka?

Halos tatlong dekada na ko sa mundong ‘to pero wala pa rin akong maibigay na sagot sa mga tanong na aking binitawan. Maraming makata na ang sumubok na magbigay ng depinisyon, karakterisasyon, at interpretasyon sa hiwagang hatid ng pag-ibig. Sabi ni Rio Alma, “Kasinlinis ng batis mo ang pag-ibig/ kasing-init ng umagang walang ulap/ nang muli komh kaniigin ang pangarap./ Hindi laging nagtatapat iyang tubig/ ang silahis ay madalas walang alab/ kasinlinis ng batis mo ang pag-ibig/ kasing-init ng umagang walang ulap”.

Para naman kay Teo Antonio, ang pag-ibig ay maihahalintulad sa isang langaw. “Halimbawang isang langaw ang pagmamahal/ na laging maruruming bagay ang hinaghagkan./ Hindi laging dalisay ang pagsintang taimtim/ may nagtutunggaling liwanag at dilim./ Bawat pusong sumusugba sa pagsinta/ lagi’t laging kumakain ng patalim.”

Isang dating mag-aaral din ang nagpaalala sa akin kung paanong ang mukha ng pagbitaw ay mukha rin ng pagmamahal. “Hindi na kita pipigilang lumipad./ Hahayaan na kitang malayang sinisisid ang kalangitang pinamamahayan ng mga ulap/ pinaghaharian ng araw at pinangangalagaan ng bilog na buwan./ Magpakalayo ka./ Lakbayin ang tanawing ikaw lamang ang kayang makakita./ Maging matayog sana ang iyong pagpagaspas. Sana’y masakop mo ang iyong kalawakan./ Sayang nga lamang, wala ako doon upang kita’y masaksihan.”

Sa dami na ng mga nailimbag na talinghaga, bakit marami pa rin tayong di maunawaan sa tibok ng ating puso. (tatahimik saglit) Bakit sa dinadami ng tao sa mundo, doon ka pa iibig sa taong tila hindi laan sa’yo? Paano mo ipaglalaban ang ganoong pag-ibig? Paano mo ipaglalaban ang pagmamahalan mo ng iyong estudyante? Sa walong taon ko sa unibersidad, ito ang isa sa pinakainiwasan kong mangyari— ang maugnay sa isang mag-aaral. Pero ganun yata talaga ang laro ng tadhana. Nangyayari kung alin ang hindi mo nais na mangyari.

Abril noong nakaraang taon nang makilala ko ang dalagang muling sumukat sa limitasyon ng aking pantasya at haraya. Unang araw ng klase sa Sining ng Pakikipagtalastasan, nahuli ako ng dating sa silid-aralan dahil sa pagtatasa ng bagong banghay aralin. Tandang-tanda ko ang huling pangalan na aking tinawag— Carla Camille R. Vergara. Pangalang pagmamay-ari ng isang estudyanteng sa unang tingin ay mahihinuha mong pasaway dahil sa paraan ng pagkakaupo at maarte dahil sa mga suot na kolorete. Sa unang sipat, alam kong isang malaking hamon si Binibining Vergara sa aking tag-araw. Hindi ako nagkamali. Inusig niya ako ng sabihin kong isa sa aking mga patakaran ay ang pagkakaroon ng kwaderno. Ilang minuto kaming nagtalo pero sa huli, kailangan niyang sumunod dahil ako ang guro.

Hirap si Carla sa aking asignatura dahil sa banyaga niyang dila kung kaya’t inatasan ko siyang mag-ulat ng pinakamapanghamong paksa sa aking kurso, ang pagbabagong morpoponemiko. Akala ko ay hindi niya bibigyang halaga ang takdang aralin kaya’t nasurpresa ako nang dalawin n’ya ako sa tanggapan upang humingi ng paggabay. Pinaunlakan ko naman ang kanyang hiling. Ipinaliwanag ko sa kanya na ang morpema ay salita at ang ponema ay tunog. Ipinaunawa ko rin sa kanya kung paanong ang mga salita ay nagbabago bunga ng asimilasyon. Halimbawa, ang pang-bansa ay nagiging pambansa at ang pang-pato ay nagiging pamato. Minsan ay bunga naman ng metatisis. Halimbawa, ang linipad ay nagiging nilipad, at ang yinaya ay nagiging niyaya. Ang paalala ko sa kanya, ang pagbabagong morpoponemiko ay tulad ng pag-ibig, nagbibigayan ang morpema at ponema upang makalikha ng pagbabagong mas mauunawaan ng gagamit nito.

Mula sa pag-uulat na iyon, nakita ko ang pagiging masigasig ni Carla sa aking klase. Mahusay ang lahat ng ipinasa niyang papel at matataas ang kanyang markahang pagsusulit. Simula noon, nagbago ang pagtingin ko kay Bb. Vergara. Batid kong may namumuo akong pagtingin sa kanya kaya’t agad kong sinupil upang hindi magkasuliranin. Pilit kong hindi pinansin ang mga panunukso sa klase, kahit pa nararamdaman ko rin na hindi na lamang ako si Ginoong Librada kay Carla. Pero ganun yata talaga ang laro ng tadhana. Nangyayari kung alin ang hindi mo nais na mangyari.

Bago ako nagpasya sa aking sarili, tinanong ko ang isang kaibigang abogado ukol sa sitwasyon namin. Ayon sa kanya, wala naman daw batas na nagbabawal sa relasyon ng isang guro at estudyante, pero sa ilalim ng Penal Code, ang wika ng aking kaibigan, “ang guro ay itinuturing na person in authority, kaya by virtue of moral ascendancy, ito ay dinidis-courage”. Sabi pa niya, “sakaling magbreak kayo or magkagulo, pwedeng makasuhan ang guro ng violence against women and children”. Nilimi ko ang mga sinambit niya. Hindi ko masyadong nakuha ang mga Ingles, pero naunawaan kong hindi kasalanang legal kung liligawan ko si Carla.

Sinunod ko ang puso ko. Sinuyo ko si Carla sa pamamagitan ng talasalitaang Filipino at mga romantikong tula. Tinuruan ko siyang magsulat at magbasa ng baybayin na madali naman niyang natutuhan. Kapag magkasama naming kinikitil ang oras sa tanglaw ng buwan, kinukwento ko sa kanya ang naging buhay ko sa bundok bilang isang tibak. Estudyante pa lang kasi ako ay kasa-kasama na ako sa mga pag-aalsa laban sa ‘di patas at ‘di makatarungang mga panukala at desisyon ng administrasyon ng paaralan at ng pamahalaan. Naging abala na lamang ako sa akademya kaya’t hindi na masyadong nakagaganap sa aking tungkulin. Akala ko ay masisindak siya sa aking pagkatao. Nagkamali ako.

Buwan ng Agosto, nagpaskil ako ng pulang banner sa harap ng dormitoryo ni Carla na may nakasulat na baybayin. Nang mabasa niya ay agad niyang naunawaan. Walang alinlangan, ipinagkaloob ni Carla ang kanyang oo, at ang kanyang puso. Yun ang naging simula ng mas masasayang araw ng aming pag-uulayaw. Bagaman noong una ay kailangan naming ilihim ang aming relasyon, dumating kami sa pasyang panindigan ang aming ikaliligaya. Akala ko ay wala nang katapusan ang mga sandaling bahaghari ang tingin ko sa kanyang mga ngiti. Pero ganun yata talaga ang laro ng tadhana. Nangyayari kung alin ang hindi mo nais na mangyari. Nalaman ng tatay ni Carla ang aming relasyon. Tatlong linggo na ang nakakalipas nang uma kong marinig ang pangalan ng kanyang ama— Maj. Gen. Danilo Vergara ng AFP. (magri-ring ang cellphone, magigitla, matagal bago sagutin ang tawag) Mr. Vergara? (makikinig lang sa kabilang linya, mababalisa sa naririnig, nanlulumong ibababa ang cellphone)

Carla. (bakas ang matinding takot sa mukha, sisilip sa binana, mayamaya ay ilalabas ang kwaderno, may bubuklating pahina) Babasahin ko sana sa kanya ‘to bukas sa aming ikawalong buwan. (babasahin ang liham) Sa nagmamamay-ari ng pangalan sa huling bilang sa aking talaan noong nakaraang tag-araw. Carla Camille. Pangalang kay sarap sambitin nang paulit- ulit. Carla Camille. Pangalang pantangi sa aking pinakaiirog. Carla Camille. Pangalang taas kamao kong ihahayag sa balana.

Ikaw. Ikaw ang panghalip na hindi kailanman kailangan ng kahalili. Ang mga sumusunod na parirala ay hindi magiging pangungusap kung wala ang panghalip na ikaw. Ikaw ang hangganan ng lahat ng kalsadang aking tatahakin. Ikaw ang pinakahuling tuldok sa mga kwentong ating binuo at pinagsaluhan. Ikaw ang panaginip na sa aking paggising nagiging isang katotohanan.

Hindi makasasapat sa iyo ang pang-uring maganda, o ang mas maganda, kahit pa ang pinakamaganda. Sapagkat sa tingin ko, walang salitang makapaglalarawan sa taglay mong kagandahan.

Nanigas… ipinasok… lumabas… umuungol… bumulwak… hinihingal. Mga pandiwang nananahan sa aking diwa. Ikaw lang, Binibining Vergara, ang tanging makagagawa nito sa akin sa lahat ng panahanunan— sa nakaraan, sa kasalukuyan, sa hinaharap.

Ako ang iyong morpema at ikaw ang aking ponema. Ito ang ating pag-ibig. (magriring ulit ang cellphone, lalo siyang matataranta, magmamadali) Sa tabi lang!

____________
Ang monolog na ito ay mula sa isang dula na sinimulan kong gawin noon pang 2012. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin tapos isulat. Basahin ang isa pang monolog: Tatlong Pirasong Pan de Regla

Advertisements

One thought on “Paanong ang Pagbabagong Morpoponemiko ay Tulad ng Pag-ibig

  1. Pingback: Jepoy at Genesis: Madaya si Fairy Godmother | Kalyo sa Kanang Palasinsingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s