Pag-ibig Lang Ang Meron Tayo

Disenyo ng poster ni Drew Espenocilla

Disenyo ng poster ni Drew Espenocilla

MGA TAUHAN
FRANCE  mid 20s, bading pero hindi loud
KRIS         mid 20s, bestfriend ni France, sweet at pleasant
NOEL        mid 20s, boyfriend ni France, pogi, pa-mhin

TAGPUAN
Nasa isang bar sina FRANCE, KRIS, at NOEL.

PROLOGUE

KRIS: Para sa second anniversary ng pinaka favorite couple ko sa buong universe. To you, France and Noel, cheers!

ALL: Cheers!

FRANCE: Cheers din para sa pagiging loyal third wheel mo sa amin, Kris!

NOEL: Oo nga. Thank you for sticking around for the past two years.

KRIS: Wala yun. Maliit na bagay lang naman ang mag-set ng mga ganitomg surprises. At tsaka alam nyo naman na masaya ako na makita kayong happy. Kaya ang wish ko, sana hindi na kayo maghiwalay ever.

NOEL: Happy anniversary, babe.

Maghahalikan sina FRANCE at NOEL. Unti-unti ay mararamdaman ang pagbabago ng emosyon ng mga tauhan. Mula sa paglalambing ay mauuwi sa galit.

END OF PROLOGUE

FRANCE: (lasing) Cheers! Cheers tayo ulit! Happy third anniversary, Noel! Tang ina mo! (a bit) Sabi sa Wikipedia, beer is the world’s most widely consumed alcoholic beverage. It is the third-most popular drink overall.

KRIS: After water.

NOEL: And tea.

FRANCE: Yeah. After water and tea. Pero bakit kaya third lang? Ganun na ba kadami ang tea shop sa mundo?

KRIS: Kasi hindi naman lahat ng tao umiinom ng alak.

FRANCE: Hmm. Sino na nga lang ba ang umiinom?

NOEL: Yung— yung mga may sine-celebrate. O kaya naman minsan, just for the sake of it. Or —

FRANCE: O kaya naman may pinagdadaanan. Di ba? (tatango ang dalawa) Bakit ba tayo umiinom? A- may sine-celebrate, B- just for the sake of it, or C- may pinagdadaanan?

Katahimikan. Magpapalitan lang ng makakahulugang tingin ang tatlo habang pasalit-salit na umiinom ng beer mula sa bote o baso. Tatagal ito nang ilang sandali.

FRANCE: (malakas ang boses) C. The answer is C. Tama ba?

NOEL: France, lasing ka na. Tama na yan.

FRANCE: Bakit ba naglalasing ang isang tao? A, B, or C?

NOEL: Please, France. Wag dito.

FRANCE: Anong wag dito? Bakit? Nahihiya ka na lasing ang boyfriend mo?

NOEL: Hindi sa ganun.

FRANCE: Eh ano? Baka naman nakalimutan mo na nang tuluyan na boyfriend mo ko, at boyfriend kita. At bestfriend ko yung binuntis mo.

KRIS: Bes, please. Wag namang ganyan. Pag-usapan natin nang maayos.

FRANCE: Bakit? Akala nyo ba gusto ko kayong kausapin? Mga traydor.

NOEL: Tara na. Umuwi na tayo.

FRANCE: Bitiwan mo nga ako! (iko-compose ang sarili, mayamaya ay maiiyak) Hanggang kanina, hinihintay ko yung punchline ng joke nyo. Hindi kasi nakakatawa. Hindi nyo ba babawiin? Nasan yung chos? Yung charot, yung keme lang sa dulo? Sinong magsasabi nun sa inyo? Wala? So hindi talaga joke? Totoo. (iinumin ng straight ang beer sa harap)

NOEL: (pipigilan si FRANCE) France, wag nating daanin sa ganito. Tama na yan.

FRANCE: Alam nyo bang definition ng best friend at ng boyfriend? Common knowledge naman yun di ba? Ang tagal na nating magkaibigan, Kris. Sabi mo pa sa’kin nun, you would take a bullet for me, because it would be too painful for you to watch me get hurt. Naintindihan mo ba yun nung sabihin mo sa’kin? Binaril mo ko, Kris eh. Binaril mo ko sa likod.

KRIS: (umiiyak) Hindi ko sinasadya, bes.

FRANCE: Wag mo kong tawaging bes. Ang totoong bestfriend, magpapahiram ng matris sa bakla niyang kaibigan, hindi nanakaw ng pagkakataon para siya ang maanakan.

NOEL: France, ano ba! That’s enough.

FRANCE: It isn’t, Noel. Ikaw, alam mo ba kung ano ang definition ng boyfriend?

NOEL: France, wag mo kaming ikahon sa depinisyon mo o ng google ng kung sino at ano kami sa’yo.

FRANCE: Wow. Well said. Pero just to make a point, a boyfriend is a regular male companion in a romantic and or sexual relationship. A male significant other in an exclusive relationship. Boyfriends tayo di ba? Bakit tinulungan mo siya sa pagbaril sa’kin? Bakit pinaputukan mo ang bestfriend ko?

NOEL: Dahil ang boyfriend ay para sa girlfriend.

FRANCE: Putang ina mo! (susugod at susuntukin si Noel)

KRIS: France, hindi ko ipapalaglag ang bata.

FRANCE: Wala namang nag-uutos sa’yo na ipalaglag yan. Walang kasalanan ang bata. Wag nyo siyang idamay sa problema.

KRIS: France, ilang beses na kong sumubok na humingi ng tawad sa’yo.

FRANCE: Nagbibilang ka?

KRIS: Hindi. Hanggang kailan ka ba magagalit sa’kin?

FRANCE: Kapag alam ko na ang tamang dahilan para patawarin ka.

KRIS: Hindi ba sabi mo noon hindi mo hahayaang masira yung samahan natin ng dahil lang kay Noel?

FRANCE: Wag kang magtanga-tangahan, Kris. Hindi ito kagaya nang dati. Ikakasal kayo, magkakapamilya. Iiwan ninyo ko. (maiiyak si KRIS) Wag kang umiyak. Baka isipin nila kung anong ginawa ko sa’yo. (patlang) Wala ka ng sasabihin? Kasi kung wala na, ako naman ang magtatanong. Masarap ba ang boyfriend ko?

KRIS: France, sana alam mo kung paano ko pinagsisihan yung nagawa namin sa’yo.

FRANCE: Hindi ako maawa, Kris. Dahil kahit gaano ka pa magsisi, hindi mo na maibabalik sa’kin si Noel.

KRIS: Hindi ko ginustong kunin siya sa’yo. Hindi ko siya inagaw.

FRANCE: Hindi nga. Wala ka namang ginawa eh. Malas ko lang dahil babae ka, lalaki ako. (maiiyak na din, pero susubukang pigilan)

KRIS: Kung pwede ko lang ibigay sa’yo ang baby, gagawin ko.

FRANCE: Pero alam kong hindi mo yun gagawin. Dahil nararamdaman ko, may lugar diyan sa puso mo na ginustong mangyari ang lahat ng ‘to.

KRIS: Bes—

FRANCE: Kung hilingin kong palayain mo si Noel after mong manganak, papayag ka ba?

NOEL: France, please for once makinig ka —

FRANCE: Shut up, Noel!

KRIS: Hindi papayag ang pamilya ko.

FRANCE: Kahit kami na lang ni Noel ang umako sa bata?

KRIS: France, anak ko din ang batang ‘to.

FRANCE: Hihiwalayan mo ba siya pagkatapos ng ilang buwan? O ng ilang taon?

KRIS: Hindi ko alam.

FRANCE: Masaya ka na ba na nakuha mo na siya?

KRIS: Alam mong hindi ko siya makukuha sa’yo.

FRANCE: Mahal mo ba siya? (hindi agad sasagot si KRIS, iiyak lang) Mahal mo ba siya? (tatango si KRIS)

Lalabas si KRIS.

FRANCE: May mali ba?

NOEL: Mali saan?

FRANCE: Sa’kin.

NOEL: Walang mali sa’yo.

FRANCE: May kulang ba?

NOEL: France, tao tayo. Alam mong hindi nakukuntento ang tao.

FRANCE: Ano’ng kulang?

NOEL: Hindi ko kayang sagutin.

FRANCE: Noon mo pa ko niloloko?

NOEL: Hindi. At hindi kita niloko.

FRANCE: Ano’ng tawag mo sa nangyari?

NOEL: France, alam mong aksidente—

FRANCE: Aksidente? Ano yun, nadulas siya sa balat ng saging tapos natumba, tapos nahubad yung damit niya, tapos nadulas ka din, at nagkataong wala kang suot kaya aksidenteng pumasok ang titi mo sa pekpek niya?

NOEL: Hindi ganyan kababaw ang kilala kong France.

FRANCE: Hindi rin ganun kababoy ang kilala kong Noel.

NOEL: Uulitin ko, hindi namin sinasadya.

FRANCE: Sinong nag-initiate?

NOEL: Hindi ko alam. Ano bang tanong yan?

FRANCE: Bakit di mo pinigilan?

NOEL: Lasing ako.

FRANCE: Tangina naman, Noel. Ilang taon na tayong nalalasing at nagdyudyug pero pagkagising natin kabisado mo ang lahat nang nagyari.

NOEL: Iba ‘to.

FRANCE: Gaano kaiba? Iba dahil babae siya? Iba dahil totoo yung boobs niya? Iba dahil hindi siya pwet at bibig lang? Paanong iba, Noel?

NOEL: You’re not listening.

FRANCE: You’re not even answering my questions.

NOEL: France, nandito ko para ipaliwanag yung side ko. Hinarap kita dahil nagbabakasakali ako na after ng pag-uusap na ‘to, maiintindihan mo ko at matatanggap natin pareho ang sitwasyon.

FRANCE: Paano kung hindi?

NOEL: Eh di wala na kong magagawa. Nangyari na. Hindi ko kayang ibalik ang oras para itama ang mga pangyayari ayon sa kagustuhan mo.

FRANCE: Wow. Kagustuhan ko. Kagustuhan ko lang?

NOEL: Alam mong hindi ko hiniling na malagay ako sa gantong gulo.

FRANCE: Eh bakit hinayaan mong magkaproblema in the first place?

NOEL: Paulit-ulit tayo, France.

FRANCE: Uulit-ulitin ko hanggang malaman ko kung ano ang totoo.

NOEL: Hindi. Uulit-ulitin mo hanggang sa marinig mo ang gusto mong sabihin ko.

FRANCE: (matatahimik, pipigilan ang pag-iyak) Mahal po ba ko?

NOEL: Hindi na magbabago yun.

FRANCE: Papanagutan mo ang bata?

NOEL: Anak ko yun, France.

FRANCE: Papayag kang magpakasal?

NOEL: Para sa buhay ng bata.

FRANCE: Paano na tayo?

NOEL: Hindi naman ako mawawala, France.

FRANCE: Sinungaling ka. Sinungaling ka, Noel! Ang dami-dami nating pinangako sa isa’t isa tapos wala naman pala dun ang matutupad. Ang dami nating pangarap, di ba? Ikaw pa mismo ang nagsabi sa’kin na mangarap tayo nang magkasama para magkasama din nating tutuparin lahat ng yun. Anong klaseng pangako naman yun?

NOEL: France, alam kong alam mo kung gano kahirap din para sa’kin ‘to. At kahit anong desisyon ang piliin ko, o piliin natin, may masasaktan at may masasaktan. Walang madaling paraan.

FRANCE: Paano kung di ka na lang pumayag magpakasal?

NOEL: Ayokong isakripisyo ang buhay ng anak ko.

FRANCE: Kaya tayo ang isasakripisyo mo?

NOEL: Kahit ano pa man ang mangyari, darating din tayo sa ganito, France.

FRANCE: Hindi yan ang sinabi mo sa’kin dati. Ang sabi mo noon, kahit gaano pa ‘to ka-mali sa paningin ng iba, hangga’t nararamdaman natin na ito ang tama, hindi tayo magpapadikta sa kanila. Ang hina mo naman pala. Ang duwag-duwag mo!

NOEL: Mas malakas sila sa’ting dalawa. Pag-ibig lang ang meron tayo.

FRANCE: Hindi ko kaya, Noel. Ayokong umalis ka.

NOEL: I’m not leaving.

FRANCE: But you’re not staying either.

NOEL: Tulungan na lang natin ang isa’t isa na magpatuloy.

FRANCE: Buntisin mo na lang din ako.

NOEL: Kung pwede lang.

Lalong maiiyak si FRANCE. Mahigpit silang magyayakap. Unti-unting magdidilim ang entablado.

TABING

_________

Mula sa orihinal na dulang may-isang yugto na may pamagat na “Runaway Bestman”, ang “Pag-ibig Lang Ang Meron Tayo” ay itinanghal sa kauna-unahang Upstart Short Play Lab sa Bonifacio Global City.

Sa direksyon ni Mizieal Manalac, ang mga aktor na nagsiganap ay sina Drew Espenocilla (France), Mike Ona (Noel), at Gem Cruz (Kris).

Sa direksyon ni Mizieal Manalac, ang mga aktor na nagsiganap ay sina Drew Espenocilla (France), Mike Ona (Noel), at Gem Cruz (Kris).

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s