Babycakes (tula para sa Undas)

Ang tulang ito ay salin ng maikling kwento ni Neil Gaiman. Ipapalabas ng Tabsing Kolektib ang pyesang ito sa “Bahay ng Lagim” (Nobyembre 8, 2014 | 8:30 ng gabi | DITO: Bahay ng Sining sa Marikina).

Hanggang sa hindi na sila makahinga. Hanggang sa hindi na sila makaiyak.

Hanggang sa hindi na sila makahinga.
Hanggang sa hindi na sila makaiyak.

Ilang taon na ang nakakaraan nang misteryong maglaho ang lahat ng hayop sa aming lugar.
Pagputok ng araw isang umaga, wala na silang lahat.
Nawala ang mga hayop na parang bula.
Ni hindi nag-iwan ng sulat.
Ni hindi nagpaalam.
Kung saan sila nagtungo, walang sinuman ang nakaaalam.

Akala ng mga tao, nagsimula na ang gunaw.
Akala namin, simula na ng katapusan ng mundo.
Hindi pala.
Sadyang naglaho lang ang mga hayop.
Walang pusa o baka. Walang aso, walang balyena.
Walang kahit na anong isda sa dagat.
Walang kahit na anong ibon sa alapaap.

Naiwang nag-iisa ang mga tao.

Sa unang pagkakataon matapos ang maraming taon,
hindi alam ng mga tao kung ano’ng gagawin.
Para kaming mga hibang na hindi alam kung paanong tutugunan
ang mga sikmurang kumakalam.
Hanggang sa isang araw, napagtanto ng mga tao na hindi dahil wala na ang mga hayop
ay mababago na ang takbo ng kanilang pag-iral.
Hindi dahil wala na’ng mga hayop ay kailangan nang isugal ng tao ang kanilang buhay
sa mga produktong walang kasiguraduhan kung alin ang kayang patirin:
ang kanilang gutom o ang kanilang hininga.

Hindi namin kailangan ng hayop.
Dahil mayroon namang sanggol.
Mga sanggol na hindi umiimik.
Mga sanggol na hindi nakapanlalaban.

Kaya gumawa ang mga tao nang hindi mabilang na sanggol
at sila ang inihain namin sa aming mga hapag.
Malambot ang kanilang laman.
kahit saglit lang na pakuluan.
Malinamnam. Sumasabog ang lasa sa bibig.
Kinikiliti ang aming mga dila.

Binalatan namin sila gamit ang mga bagong hasang kutsilyo at labaha.
At ang kanilang murang balat ang isinaplot namin sa giniginaw naming kalamnan.
Ang iba namang sanggol ay inoperahan, pinag-eksperimentuhan.
Pinaluwa namin ang kanilang mga inosenteng mata,
tapos ay paunti-unting pinatakan ng shampoo, asido, at sabong panlaba.
Binuhusan namin sila ng kumukulong tubig hanggang sa mangisay.
Pinag-pira-piraso namin ang kanilang katawan upang makuha ang puso— baga— atay.
Sinunog ng mga tao ang mga sanggol. Inihaw, prinito, pinagyelo.
Itinuhog namin sila sa mga kawayan.
Dinikdik namin ang mga bumbunan nila gamit ang matutulis na bato.

Hanggang sa hindi na sila makahinga.
Hanggang sa hindi na sila makaiyak.
Hanggang sa tumigil na ang pagdaloy na dugo sa kanilang mga ugat.

Alam nang tao na hindi madali ang kanilang naisip na paraan,
subalit iyon ang kinakailangan.

Sa pagkawala ng mga hayop, sino pa ba ang aming aasahan?
May mga nagreklamo, pero sadayang ganoon.
Hindi naman nalilimot ng tao ang magreklamo.

Hanggang sa bumalik ang lahat sa normal.

Hanggang sa isang araw, pagputok ng unang silahis,
naglaho ang lahat ng sanggol na parang bula.
Ni hindi nag-iwan ng sulat.
Ni hindi nagpaalam.
Kung saan sila nagtungo, walang sinuman ang nakaaalam.

Muli, matapos ang maraming taon,
hindi alam ng mga tao kung ano’ng gagawin ngayong wala na ang mga sanggol.

Pero hindi kami nababahala. Matatalino ang mga tao.
May utak ang mga tao na siyang lamang niya sa mga hayop— at sa mga sanggol.
Wala mang laman ngayon ang aming mga hapag,
natitiyak ko— bukas o sa isang araw— makakaisip kami ng paraan.

Advertisements

One thought on “Babycakes (tula para sa Undas)

  1. Pingback: In Retrospect: 32 Dula ng 2014 | Kalyo sa Kanang Palasinsingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s