Si Buchoy na Mausisa at ang Pakinabang ng Social Media

Larawan ay mula sa http://bit.ly/1oFdrF3

Larawan ay mula sa http://bit.ly/1oFdrF3

SI BUCHOY ay isang batang mausisa. Kapag may napapansin siyang bago o kakaiba, hindi matapus-tapos ang mga tanong niya.

“Bakit ganito? Bakit ganyan?”
“Ano ito? Saan iyan?”
“Sino ito? Paano iyan?”

Para bang ang lahat ng matuklasan niya ay gusto niyang lubos na maunawaan.

Isang araw ay lumapit si Buchoy sa kanyang Nanay at nag-usisa. “Nay, saang silid-aklatan po ba mahihiram ang Facebook?”

Natawa ang Nanay niya. “Anak, hindi libro ang Facebook. Ito ay isang program sa computer kung saan pwedeng mag-ugnay ang mga tao sa buong mundo.”

“Wow, dahil po yan sa Internet, ano? Ang galing talaga ng Internet!,” manghang-manghang sabi ni Buchoy. “Nay, pwede na po ba akong mag-Facebook?”

“Hindi pa pwede, anak,” wika ng Nanay ni Buchoy. “Ito ay maaari lamang gamitin ng mga taong edad labintatlo pataas.”

“Bakit po hindi pa pwede sa mga bata?,” usisa ulit ni Buchoy.

“Katulad lang iyan kapag manonood tayo ng pelikula. Kailangang naaayon sa iyong gulang ang ating papanoorin. Ang paggamit naman sa Facebook, dapat naayon din sa edad ng gagamit.”

“Kung ganun, maghihintay pa ako ng anim na taon bago ako mag-Facebook. Excited na ako!”, abot-tenga ang ngiti ni Buchoy.

 

PINUNTAHAN NI Buchoy ang Tatay niya sa bakuran. “Tay, kapag po ba labintatlong gulang na ako, papayagan ninyo na ako mag-Facebook?,” usisa niya.

“Oo naman,” nakangiting sambit ng kanyang ama. “Basta kapag gagamit ka na ng Facebook, siguraduhin mong mapapangalagaan mo ang iyong sarili.”

“Paano ko po gagawin yun?,” usisa ulit ni Buchoy.

“Una, maging maingat ka sa pagpo-post ng mga picture mo. At ikalawa, huwag kang padalus-dalos sa pagpo-post ng iyong naiisip o nararamdaman. Ang mga picture at pahayag na inilalagay mo sa Facebook ay magiging repleksyon ng iyong sarili,” paliwanag ng kanyang Tatay.

“Nauunawaan ko po. Tatandaan ko po ang paalala ninyong iyan, Tay,” sabi ni Buchoy.

 

NAKIPAGKWENTUHAN DIN si Buchoy sa kanyang Kuya at Ate tungkol sa Facebook.

“Anu-ano po ang mga hindi ko dapat gawin sa Facebook?,” usisa niya.

“Hindi ka dapat mang-bully o mang-away sa Facebook,” babala ng kanyang Kuya. “Kung may problema ka sa isang tao, mas mainam kung kakausapin mo siya nang harapan. Mas malulutas ang hindi pagkakaunawaan kung mag-uusap nang masisinsinan.”

“Hindi ka rin dapat mag-share ng mga video na ikakapahiya ng ibang tao,” paalala ng kanyang Ate. “Hindi ba’t may kasabihan na huwag mong gawin sa kapwa mo ang ayaw mong gawin nila sa iyo?”

“Tatandaan ko po ang mga sinabi ninyo, Ate at Kuya,” pangako ni Buchoy.

 

HABANG NAGLALAKAD papasok sa eskwelahan ay nadaanan ni Buchoy sina Mang Kanor at Aling Susan sa kanilang tindahan.

“Mang Kanor, nagpe-Facebook din po ba kayo ni Aling Susan?,” usisa niya.

“Oo naman, Buchoy! Hindi kami nahuhuli sa uso,” pagmamalaki ni Mang Kanor. “Sa Facebook namin nakikita at nakakausap ang mga dati naming kaibigan na nasa ibang lugar. Ngayon ay hindi na lang sa liham at telepono pwedeng magkumustahan.”

“Madalas ay sa Facebook din kami nakakapulot ng balita,” dagdag ni Aling Susan. “Hindi na lang namin sa telebisyon nalalaman ang pagtaas ng presyo ng bilihin. Nababasa at napapanood na rin sa Facebook.”

“Pero syempre, kinikilatis muna namin nang maigi kung totoo ba ang laman ng balita bago kami maniwala. Baka kasi tsismis o gawa-gawa lang pala,” dugtong ni Mang Kanor.

“Marami po pala talagang silbi ang Facebook,” naaaliw na wika ni Buchoy.

 

PAGDATING NI Buchoy sa eskwelahan ay nakasalubong niya ang prinsipal na si Sir Tamayo.

“Sir Tamayo, sa tingin ninyo po ba ay nakabubuti sa atin ang Facebook?,” usisa niya.

Nag-isip muna sandali ang prinsipal bago sumagot. “Para sa akin, madaming naitutulong sa atin ang Facebook basta matalino ang paggamit natin dito.”

“Ano pong ibig ninyong sabihin?,” nakakunot ang noong tanong ni Buchoy.

“Halimbawa, maaari nating magamit ang Facebook para maglibang. Mayroon ditong mga laro na nagagamit nang libre. Pero dapat ay limitado ang oras na ilalaan mo sa paglalaro. Hindi pwedeng limutin mo ang iyong takdang-aralin para lamang makapaglibang,” pagpapaliwanag ng prinsipal.

“Hindi ko po kakalimutan ang sinabi ninyo, Sir Tamayo. Salamat po!,” natutuwang sabi ni Buchoy.

 

ILANG SANDALI pa ay dumating na sa silid-aralan ang guro nina Buchoy.

“Ang paksa natin sa umagang ito ay ang pakinabang ng social media sa mga tao,” panimula ni Ma’am Atienza.

“Ano po ba ang social media?,” mabilis na usisa ni Buchoy.

“Ang social media ay ang ginagamit ng tao para makipag-ugnayan sa Internet. Isa sa halimbawa nito ay Facebook,” sagot ni Ma’am Atienza.

Parang umilaw ang mga mata ni Buchoy dahil sa narinig. Alam pala niya ang paksang tatalakayin sa klase ngayong araw. Excited na siyang magtaas ng kamay dahil siguradong marami siyang maisasagot kapag nagtanong na si Ma’am Atienza kung ano ang mga pakinabang ng social media.

***

Ang kwentong pambatang ito ay ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 6.

Saranggola 336x280

 

Advertisements

3 thoughts on “Si Buchoy na Mausisa at ang Pakinabang ng Social Media

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s