Ang Alamat ng Bakla: Isang (maikli na pwede pang pahabaing) Love Story

Larawan ay mula sa http://bit.ly/1xmVazm

Larawan ay mula sa http://bit.ly/1xmVazm

Kung krimen ang pagnanakaw ng tingin sa isang tao, malamang kanina pa hinuli ng pulis si Kulay. Magkakalahating-oras na niya kasing sinisipat-sipat ang babaeng nakaupo sa kabilang bench. Napansin niya kasing umiiyak ito kanina habang nagsusumbong sa kaibigang nasa kabilang linya ng cellphone.

Hindi maiwasan ni Kulay ang hulaan kung ano ang dahilan ng pag-iyak ng babae. Bukod kasi sa mukha talaga itong kawawa sa pag-ngawa, siya rin yung tipo ng babae na para kay Kulay ay hindi dapat pinapaiyak.

Ilang buntung-hininga pa ay nakaipon din ng sapat na lakas ng loob si Kulay. Pasimple siyang lumapit sa kabilang bench. Mabuti at nakatungo ang babae. Nanginginig man ay agad inialok ni Kulay ang kanang kamay para makipagkilala. “Hi! Ako si Kulay.”

Pumiyok ang boses niya. Nagtaas naman ng tingin ang babae. Pakiramdam ni Kulay ay may isang batalyong kuliglig na humuni matapos siyang magsalita. Kinunutan lang siya ng noo ng babae. Alam ni Kulay ang tawag sa ganitong klaseng sitwasyon: capital A-W-K-W-A-R-D.

“Hello! Ako si Kulay. Pwede bang makipagkwentuhan? Ten minutes lang,” umariba na siya para hindi mapahiya nang tuluyan.

“Ten minutes? Ano ka, nagne-networking? Ayoko!,” prangkang sagot ng babae.

Natawa si Kulay. “Hindi ako nagbebenta ng whitening soap. Gusto ko lang talagang makipagkwentuhan.”

“Tungkol kay Jesus Christ? Di bale na. Budista ko,” todo tanggi pa rin ang babae.

Sinunggaban ni Kulay ang pagkakataon na umupo sa tabi ng babae. “Hindi rin kita ipe-pray over. Gusto ko lang malaman kung bakit ka umiiyak kanina.”

Napatda ang babae.

Hindi mabasa ni Kulay kung nagulat ba ito o natakot o napikon sa tanong niya. Mayamaya pa ay napansin na lang niyang sumisiguk-sigok ang babae. Sinundan ito ng dahan-dahang pamamasa ng mga mata. Ilang kurap pa ni Kulay ay umatungal na ang babae. Parang namatayan. Parang yung sa mga teleserye kapag nalamang sumabog ang sinasakyang bus ng mahal nila sa buhay.

“Huy, wag kang umiyak. Baka isipin ng mga dumadaan sinasaktan kita.” Hindi malaman ni Kulay ang gagawin. Tuloy lang sa pag-iyak ang babae. “Huy, tumahan ka na. Tinatanong ko lang naman kung bakit ka malungkot, e.” Hinagud-hagod ni Kulay ang likod ng babae. Umubu-ubo naman ito na parang nasasamid sa sariling laway.

Ilang saglit pa ay automatic na tumigil sa pag-ngalngal ang babae. Parang baliw na may on-and-off switch. “Yung crush ko kasi, bakla pala.”

Kitang-kita ngayon ni Kulay ang pait sa mga mata ng babae. Totoo itong nasasaktan. Hindi lang basta nag-iiyak-iyakan.

“E ‘di humanap ka na lang ng iba.”

Inirapan lang siya ng babae. Kumuha ito ng panyo sa bag tapos ay suminga na parang wala ng bukas. Nang maalis ang bara sa ilong, tumitig ito sa malayo. “Bakit ba kasi may bakla pa?”

Banayad na umihip ang hangin. Parang biglang tumahimik ang buong park. Makalipas ang ilang sandali, tumayo si Kulay at hinarangan ang direksyon kung saan nakatitig ang babae. “Hindi mo ba nabasa ang alamat ng bakla?,” tanong niya. Matalim na irap lang ulit ang itinugon ng babae.

Hindi nagpatinag si Kulay. Ikinuwento pa rin niya ang nabasa niyang alamat nung minsang nagpapaantok siya sa library.

“Noong panahon daw ni Jesus Christ nabuo ang mga bakla. Isang araw, habang nagsi-siesta raw sina Jesus at San Pedro, biglang nagkaingay ang mga tao. Kaya inutusan ni Jesus si San Pedro na sawayin ang mga tao.” Nagsusungit man, nakinig pa rin ang babae sa kwento. Bigla siyang nakaramdam ng pagkaaliw kay Kulay na para bang dati na niya itong kaibigan.

“Nang makatulog na ulit silang dalawa, nag-ingay na naman ang mga tao. Sa galit ni San Pedro, pinagtataga niya ang ulo ng mga tao.” Bigay todo ang pagsasalaysay ni Kulay. May sound effects at facial expression pa kaya hindi napigilan ng babae ang mapangiti.

“Pagbalik daw ni San Pedro kay Jesus, sinabihan siyang balikan ang mga tao upang ibalik ang kanilang mga ulo. Kaya kahit naiinis, sumunod pa rin si San Pedro. Yun nga lang, hindi na niya alam kung kani-kaninong ulo ang nagkalat sa sahig. Kaya naman napagpalit-palit niya yung ulo ng mga babae at lalaki. Simula noon, nagkaroon na ng bakla. The end!”

Humagalpak ng tawa ang babae. Mas malakas pa sa pag-atungal niya kanina. May ilang nagdadaan na biglang napalingon pero hindi iyon pinansin ng babae. Pinagmasdan lang din siya ni Kulay na manghang-mangha sa bilis niyang magpalit ng emosyon.

Habol-hininga ang babae nang humupa ang tawa. Pero sa kabila noon ay nakahirit pa ito. “Akala ko ba hindi tungkol kay Jesus Christ ang pagkekwentuhan natin?”

Napangisi na lang si Kulay. Kinuha naman ulit ng babae ang panyo tsaka ilang beses na suminga na para bang hindi estranghero ang nasa harap niya. Sa puntong iyon, napansin ni Kulay kung gaano kaganda ang kaharap niyang babae. Sa kabila ng namumula nitong ilong, nagmumutang mata, gulu-gulong buhok, at kunot sa noo, nakaramdam si Kulay ng paghangang higit sa lahat ng kanyang hinangaan sa nakaraan.

“Salamat sa pagpapatawa sa’kin,” nakangiting wika ng babae.

“Hindi lang yun ang kaya kong gawin,” halos pabulong na sabi ni Kulay. “Kaya rin kitang mahalin.”

Napatda ulit ang babae. Bahagya ring natigilan si Kulay dahil sa lumabas sa bibig niya. Muli, narinig niya ang paghuni ng isang batalyong kuliglig.

Mayamaya pa ay dahan-dahan nang tumayo ang babae.

“Alis na ‘ko.”

Hindi naman siya pinigilan ni Kulay. Sinundan lang niya ng tingin ang paglakad ng babae. At bago pa man ito tuluyang makalayo ay sumigaw siya. “Ano pala’ng pangalan mo?”

Lumingon naman ang babae. At hindi inasahan ni Kulay na sisigaw rin ito pabalik. “Kwentuhan mo ulit ako ng alamat bukas!”

***

Ang maikling kwentong ito ay ang aking lahok sa Saranggola Blog Awards 6.

Saranggola 336x280

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s