Paborito Kong Lugar ang Bisig Mo

kuha ng may-akda sa UPLB

kuha ng may-akda sa UPLB

Kung saan nasusumpungan ko ang katahimikang
palagi nang ipinagdadamot ng maingay na mundo;

Kung saan walang sumisigaw, nag-uutos,
nagbabanta, at nanghuhusga;
Kung saan ang tanging naririnig ko
ay ang tibok ng puso mo —
ang paulit-ulit nitong pagtibok na tila
nagsasabing tahan na, tahan na.

Gustung-gusto ko kapag nakalapat
ang tainga ko sa dibdib mo;
Pakiramdam ko, matibay ako’t hindi makakanti
ng kahit na ano, ng kahit na sino;
Pakiramdam ko, malayo ako sa sentro ng lindol,
lalo’t higit sa mata ng bagyo.
Kung saan ang mga yanig ay buhat sa iyong dibdib
at ang malamig na hangin ay mula naman sa’yong hininga.

Palagi akong nananabik na umuwi
sa mahigpit mong yakap;
Dahil sa tuwing nakukulong ako
sa bisig mo, lumalaya ako —
nakakanakaw ng ilang sandali para tumakas,
huminto at ngumiti;
nakakaumit ng kaunting oras
upang humugot ng panibagong tapang at lakas
para makapagpatuloy muli.

Paborito kong lugar ang mga bisig mo, mahal,
kung saan sa tuwina’y napapaalalahanan ako
na sa lahat ng dagok at delubyo
may kakampi ako.

Advertisements

3 thoughts on “Paborito Kong Lugar ang Bisig Mo

  1. “Paborito kong lugar ang mga bisig mo, mahal,
    kung saan sa tuwina’y napapaalalahanan ako
    na sa lahat ng dagok at delubyo
    may kakampi ako.”

    Nawa’y marami ka pang likhaing mga tula. ❤

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s