Ano’ng Konek?! (Pagmumuni-muni ng Isang Donselya Upang Pahupain ang Post Prod Syndrome)

Ano’ng konek ng “Pagsubli” sa “Ang Goldfish ni Prof. Dimaandal”, tanong ng isang manonood.
Ano nga ba?
Sige, susubukan kong hanapan ng lusot.

Official poster mula sa Tabsing Kolektib

Official poster mula sa Tabsing Kolektib

Nasa mga tauhan ang sagot.

Si Bistugey/Bismarck na palagiang nakaupo sa isang bangko sa tabing kalsada ay katulad ni Prof. Caracol na palagiang nakaluklok sa kanyang trono sa loob ng opisina. Pareho silang nag-aabang ng mga hindi kilalang bisita. Pareho silang naghihintay sa isang hindi inaasahang surpresa.

Kagaya rin ni Bistugey/Bismarck, si Tita Pits ay bukal ng mga sikretong naghihintay lang na maisiwalat. Silang dalawa ay nag-iingat ng mga lihim na maaaring bumuo o sumira sa kwento ng kanilang mga kasama.

Sa pag-asang malilinawan ang kanyang buhay, si Sasha/Sing-aw ay naglakbay sa Sagada kung saan wala siyang kakilala. At sa pag-aasam na magkaroon ng direksyon ang buhay, si Sir Tugbo ay pumasok sa Paciano Rizal Agricultural Highschool, isang eskwelahan na hindi niya kilala. Silang dalawa na puno ng pangako ng kabataan ay sumubok at sumugal upang matagpuan ang sarili.

Si Bistugey/Bismarck ay isang ama na ang tanging hangad ay makilala ang nawalay na anak — tahimik siyang umaasa na ang kanyang Sing-aw ay maipagmamalaki na niya. Sina Renz at Vannie ay mga magulang na ang tanging nais ay mapabuti ang hinaharap ng kani-kanilang mga anak — tahasang nakikipaglaban upang ang kanilang Madiam at Jarrod ay hindi maging kahiya-hiya.

Bago pa tuluyang mag-retiro, umaasa si Prof. Dimaandal na mabigyang hustisya ang pagkamatay ng kanyang alagang isda. Hindi man ito kasing bigat ng lunggati ni Sasha/Sing-aw na makilala ang ama bago siya ikasal, may manipis na pising nagdudugtong sa kwento ng dalawa. Ito ay ang kritikal na pagkakataon kung kailan hindi madaling magtimbang at magpasya kung tatakbo na lamang ba at kalilimutan ang mga nais malaman o patuloy na aasang magtatagumpay sila.

Sa parehong dula, ang mga tauhan ay may kanya-kanyang takot na hindi man pisikal na naipakita ay talaga namang damang-dama. May natatakot mapagalitan ng mas nakatataas sa kanya. May natatakot na magulo pa ang buhay ng pamilya sakaling nagsabi siya ng totoo. May natatakot na mapahamak ang mga anak. May natatakot na sa pag-uwi niya, tuluyan na niyang matatanggap na wala na siyang hinahanap.

Sa parehong dula, ang mga tauhan ay nagmamahal. Sa alaga. Sa katrabaho. Sa sinilangan. Sa eskwelahan. Sa anak. Sa apo. Sa dating kamag-aral. Sa magulang. Sa prinsipyo. Sa sarili.

Sa parehong dula, ang mga tauhan ay may mga espekulasyon. May sakit ang isda. Kaunti lang ang ibinuhos na detergent. May itinatago ring lihim ang ina. Madumi ang fishbowl kaya napuno ng algae. Babaero at hindi raw makuntento ang ama.

Sa parehong dula, ang mga tauhan ay may mga tanong. Sino ang pumatay? Sino si Bismarck? Sino ang may kasalanan? Bakit mo kami iniwan? Ano’ng naghihintay na parusa? Saan siya nakatira? Bakla ka ba talaga? Magpapakilala ba ako? Mahal mo pa ba ako? Para saan ang pagkikitang ito? Para saan ang kalokohang ito?

Sa parehong dula, ang mga tauhan ay naghahanap ng katotohanan. Mga katotohanang hinahanap din ng mga taong bumuo sa produksyon. Mga katotohanang hinahanap din ng mga manonood.

Kaya sa huling pagkundap ng ilaw sa poste at sa tuluyang pagsasara ng tabing, hindi ko masisisi ang binatang naghahanap ng ugnayan sa dalawang dula. Dahil sa huli, ako man — sa maraming bagay bukod sa aming sining — ay nagtatanong: ano’ng konek?!

10505401_777120149044881_4277887539964188705_n

______________

Ang “Silang mga Donselya” ang buena manong produksyon ng Tabsing Kolektib ngayong 2015. Abangan sa Setyembre ang kanilang pagtatanghal ng “Ligo na U, Lapit na Me The Musical”.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s