Ayokong Tinatanong Mo Ako

kuha ng may-akda sa Padre Burgos, Quezon

kuha ng may-akda sa Padre Burgos, Quezon

Ayokong tinatanong mo ako kung nasaan ako
dahil naiisip kong hinahanap mo ko —
naiisip ko na gusto mo akong makasama;
na kahit nasaang lupalop ka pa
pupuntahan mo kung nasaan ako.
Naiisip ko rin na baka kaya tinatanong mo kung nasaan ako
ay dahil wala siya, hindi mo siya kasama
at wala kang ibang maisip na kahalili niya
kundi ako.

Ayokong tinatanong mo ako kung kumain na ba ko
dahil pakiramdam ko, mag-aaya kang mag-almusal,
mag-hapunan o magmeryenda;
na ililibre mo ako sa paborito nating karinderya.
Pakiramdam ko, gusto mo akong kasabay kumain
dahil kapag nasa harap mo ko,
magana kang sumubo, masaya ka sa pag-nguya.
Pakiramdam ko rin, hindi ka niya masasamahan kumain
kaya inaalam mo kung kumain na ba ako.
Dahil alam mo na kahit busog ako, kapag nagutom ka,
sasamahan kita.

Ayoko rin na tinatanong mo ako kung ano ang ginagawa ko
dahil hindi ko maiwasang isipin
na may pakialam ka pa sa akin —
na gusto mo pa ring alamin kung nagagawa ko pa
ang mga gusto kong gawin sa kabila ng pagkaabala ko
sa pag-iisip kung ano ang dapat kong gawin
para hindi na kita maisip
para hindi na kita hanapin
para hindi na kita maalala
para hindi na kita mahalin.
Ayoko na tinatanong mo ako kung ano ang ginagawa ko
dahil hindi ko maiwasang isipin
kung ano ang ginagawa ninyo —
kung ginagawa ninyo rin ba yung ginagawa natin;
kung mas masaya ka bang siya ang kasamang gumawa
ng mga bagay na dati nating ginagawa.

Ayaw na ayaw ko kapag tinatanong mo kung kumusta na ako
dahil una sa lahat, ayaw na ayaw kong tinatanong ‘yan sa sarili ko.
Ayaw ko dahil natatakot ako na baka manganak pa ‘yan
ng mas marami pang tanong na ayokong sagutin,
na hindi ko kayang sagutin.
Ayokong tinatanong mo kung kumusta na ako
dahil pakiramdam ko may mali sa’kin,
na may masakit sa’kin,
na hindi maganda ang kalagayan ko.
Ayokong nagtatanong ka kung kumusta na ako
dahil malalaman mo ang totoo —
malalaman ko ang totoo.
Ayoko.

Ayaw na ayaw ko rin na tinatanong mo ako kung gusto pa ba kita
dahil tila ipinamumukha mo sa’kin
na wala akong magugustuhang iba —
na sa tagal ng panahon simula nang maghiwalay tayo
hindi pa rin ako nakakahanap ng pamalit sa’yo,
at hindi pa rin ako nahahanap ng papalit sa’yo.
Ayoko dahil baka kapag sumagot ako ng oo, tawanan mo ko —
baka kaawaan mo ko.
At kung ang isasagot ko naman ay hindi, baka malungkot ka;
baka masaktan ka.
Baka malungkot at masaktan din ako.

Ayokong tinatanong mo ko kung mahal pa ba kita
dahil hindi ko mapigilang mag-isip ng dahilan
kung bakit tinatanong mo sa akin ‘yan.
Hindi ko mapigilang mag-isip kung bakit sa ilang ulit nating pagtatanungan
kung mahal pa natin ang isa’t isa at pagsasabing hindi na, hindi na
ay maiisip mong itanong ulit kung mahal pa ba kita.
Para saan? Para ano?
Ayokong tinatanong mo ako kung mahal pa ba kita
dahil hindi ko mapigilang bumuo ng pantasya
na hindi ka niya mahal
at mahal mo na ulit ako.

Higit sa lahat, ayokong tinatanong mo ko kung okay ako,
kung okay na ba ako —
dahil pakiramdam ko, may pakialam ka pa sa nararamdaman ko;
dahil sa tuwing tatanungin mo ako kung okay ba ko,
kung okay na ba ko,
pinipigilan kong huwag magalit,
pinipilit kong huwag magalit.
Dahil kung nagtatanong ka dahil may pakialam ka pa,
dapat noon pa lang naisip mo na huwag akong saktan —
dahil kung gusto mong marinig na okay ako, na okay lang ako,
sana hindi ka umalis
sana hindi ka sumuko
sana hindi ka nagsawa
sana pinili mo ko
sana pinili mo pa rin tayo.

Kaya, tama na.
Ayokong tinatanong mo ako
dahil ang gusto ko,
ako naman ang magtatanong sa’yo.
Gusto kong alamin,
gustung-gusto kitang tanungin.

Nasan ka?
Kumain ka na ba?
Ano’ng ginagawa mo?
Kumusta ka na?
Gusto mo pa ba ko?
Mahal mo pa ba ko?
Okay ka lang ba?
Okay ba kayo?
Okay pa ba kayo?
Kasi kung hindi,
kung hindi na —
nandito lang ako.

Tanungin mo lang ako.
Kaya pa ba?
Pwede pa ba?

Advertisements

82 thoughts on “Ayokong Tinatanong Mo Ako

  1. Buti nalang hindi na niya ako tinatanong
    Buti nalang hindi na siya nangangamusta,
    Hindi na niya inaalam kung nakakain na ba ako,
    Wala na siyang paki kung anong ginagawa ko

    Buti nalang hindi siya nagtatanong
    Kung gusto ko pa ba siya,
    O kung mahal ko pa ba siya,
    Kahit pa handa ako sa mga isasagot ko

    Buti nalang hindi na siya nagtatanong,
    Kasi babalik nanaman ako sa nakaraan,
    Lumipas na ang lahat at nakaalis na ako,
    Buti nalang.

    Pero sa kabila ng lahat gusto ko siya magtanong,
    Gusto ko tanungin niya ako,
    Tanungin naman sana niya ako kung okay na ba ako,
    Kamustahin naman sana niya ako

    Gusto ko tanungin niya ako,
    Tanungin niya kung nakakakain na ba ako,
    Kung ginagawa ko na ba mga gusto ko sa buhay,
    Kung itinuloy ko pa rin ba pangarap kong buhay kahit wala siya.

    Gustong gusto ko siya magtanong,
    Pero para saan pa,
    Para ba malaman niyang okay lang ako na wala siya?
    Para bang malaman niyang okay na ako na kasama niya siya?

    Gusto ko na magtanong siya,
    Pero alam kong hindi ko ikalalaya yun,
    Babalik lang ako sa mga panahong halos isumpa ko ang umaga,
    At ituring bangungot ang bawat gabi.

    Gusto ko pa siya,
    Pero para saan pa,
    Kung kinaya niya akong makitang nasasaktan,
    Na halos bumiyak at sumabog ako sa harapan niya.

    Alam niyang mahal ko siya,
    Hindi na niya kailangang itanong,
    Pero alam kong tama na,
    Kung masaya naman siyang ipinagpalit ako sa iba.

    Buti nalang hindi na siya nagtatanong,
    Alam ko namang hindi na din siya magtatanong,
    Dahil hindi na kaya, hindi na rin pwede,
    Dahil kung magtatanong pa siya,
    Wala na ako dun at nakalaya na.

    © R.N.

  2. Pingback: Ayokong Tinatanong Mo Ako | panda0414

  3. Alam mo yung kahit mahaba siya, binabasa ko pa rin, inuulit ulit ko pa rin Nong nabasa ko ito, para akong nasaktan ulit. Parang dumugo ulit yung puso ko. Pero masarap sa pakiramdam dahil nasabi mo yung gusto mo, yung himutok ng puso mo, dahil sa tuwing tinatanong ka niya ng mga simpleng tanong, anghirap pa ring sagutin.

  4. Pingback: Ayokong Tinatanong Mo Ako | eikcajudith

  5. Pingback: Ayaw na Ayaw Kitang Natatanaw | Tagalog Dito

  6. Isang taon mahigit na nung nabasa ko to’…. tinag ko pa siya dito para marealize niya na mahirap kumapit at mag hintay sa taong matagal ng nakalaya…. Pero hindi niya ata naitindihan o hindi niya talaga kayang bumitiw… Ewan ko kung bakit kasi hindi siya nagsorry pero pinatawad ko siya… 1 year na din. Sana mapatawad ko naman yung sarili ko.

  7. A friend of mine introduced me with your blog and dahil sa tulang ito, nag umpisa ako ulit sumulat. I tried making a happy version of this one and I hope I’d given it some justice.

    https://heartnpen.wordpress.com/2016/02/23/its-your-own-choice/

    “Itanong sa Akin”

    Gusto kong tanungin mo ako kung nasaan ako
    Sasabihing di naman umalis at lagi lang sa tabi mo
    Bubulong ng mahina, hahawakan ang kamay mo
    Aakbay sa mga bisig mo, isasama sa aking mundo
    Gusto kong sagutin ang tanong na ito
    Nang tuluyang mawala ang pagdududa mo
    At malamang ikaw ang gusto kong kasalo sa oras na ito
    At sa mga araw na darating pa sa buhay ko.

    Gusto kong tanungin ako kung kumain na ba ako
    Sagot koy hinihintay kitang yayain ako sa kainang paborito
    Ipaglalagay ng kanin at ulam sa iyong plato
    Ipagbubuhos ng inumin sa iyong gamit na baso
    Gusto kong sagutin ang tanong na ito
    Nang tuluyang malaman mo
    na basta’t kasama kita’y busog na ako
    Na sa bawat subo ko ang iniiisip ko’y ang pagmamahal mo
    At paano matatanggal lahat ng agam agam sa isip mo

    Gusto kong tanungin mo ako kung anong ginagawa ko
    Ng sa gayo’y malaman mong ito din ang tanong ko sayo
    Naaalala mo ba o naisip kayang tawagan ako
    Binabasa mo kaya mga dating mensahe sayo
    Gusto kong sagutin ang tanong na ito
    Ng masabi ko ng deretsahan sayo
    Lahat ng masasayang sandali’y ikaw ang karamay ko
    Na kahit ulit uliti’y ikaw pa rin ang pipiliing makasama ko

    Gusto kong tanungin mo ako kung gusto pa ba kita
    Aamin ako sayo at hindi magdadalawang salita
    Sasabihing ikaw lang at walang pumalit na iba
    Noon at ngayon, tayo lang dalawa
    Gusto kong sagutin ang tanong na ito
    Ipagsisigawan ang malakas kong Oo
    Sabay yakap ng mahigpit sa katawan mo
    Ngingiti pagkat alam nating wala namang nagbago

    Gusto kong tanungin mu ako kung mahal pa ba kita
    Tatawanan at sasabihing nababaliw ka na ba
    Bakit paulit ulit tinatanong mga salita
    Kung sa una pala’y puso ko’y hawak mo na
    Gusto kong sagutin ang tanong na ito
    Ipipinta pa upang laging maalala mo
    Mahal kita walang labis, walang kulang, buong buo
    Mahal kita uulit ulitin para marinig ng puso mo

    Gusto kong tanungin mo ako kung okay ako, kung okay na ba ako
    Tatalon at sasalubingin ka ng mga halik ko
    Di mo maiisip na may hinahanap pa ako
    Okay na ako, maayos na ang lagay ng puso ko sayo
    Gusto kong sagutin ang tanong na ito
    Para saan? Para sa ano?
    Para di mo maisip na kailanman ako ay isuko
    Na hanggang sa huli pipiliin mo ako, pipiliin mo pa rin ang TAYO.

    Kaya tama na, sasagot na ako
    Di ko na nga hihintayin pa mga tanong mo
    Dahil ang gusto ko, sabay na tayo
    Mangangako ng pag-ibig habang magkadikit ang ating mga noo.

    Nasaan na?
    Kumain na ba?
    Anong ginagawa?
    Kumusta na?
    Gusto pa ba?
    O mahal pa ba kita?
    Iilan lang yan sa tanong na akala walang kasagutan pa.
    Itanong mo lang, handa naman ako
    Sasagot ng buong tapang sa iyo
    Ikaw ang naging sagot sa lahat ng mga dasal ko
    Ikaw lang ang mahal, minahal at ang mamahalin ko.

    * Thank you for the inspiration and for you poem Sir 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s