Alam na Alam Ko Kapag Bumabalik Ka

kuha ng may-akda sa Pampanga

kuha ng may-akda sa Pampanga

Alam na alam ko kapag bumabalik ka.
Dumodoble ang dami ng pares ng sapatos
at tsinelas sa labas ng bahay,
hindi tuloy magkandatuto ang mga paa ko
kung saan sila sasakay.
Sa havaianas bang bago
o sa pudpod na rambo,
sa sneakers bang pamporma
o sa rubber shoes na panakbo.
Madalas nalilito ako kung alin ang akin
kung alin ang sa iyo,
kung alin ang butas ang swelas at pigtal na,
alin ang hiniram na dapat nang isauli sa iba.

Alam na alam ko kapag bumabalik ka.
Sumisikip ang kabinet sa dami ng damit
na nakatiklop at nakasabit,
nagbabanggan ang mga hanger
sa espayong dati’y hindi naman ganoon kaliit.
Sali-saliwa ang salansan ng shorts,
mga terno nating pantulog ay nagkakapalit-palit.
Madalas wala akong mapaglagyan
ng mga panyo at medyas,
hindi na rin nadadampian ng plantsa
ang mga kwelyo at manggas
dahil magugusot din naman sila
kapag isiniksik sa aparador na palagi nang bukas.

Alam na alam ko kapag bumabalik ka.
Umaapaw ang hamper na sisidlan
ng pawisang t-shirt at maruming tuwalya,
naglilingkisan ang mga de-kolor at mga puti
naiinip sa araw ng minsang paglalaba.
Madalas humahawa ang mantsa ng pulang polo
sa nangungupas na kamiseta,
humahalo ang dumi at dusing ng damit ko
sa damit mo, at ng damit mo sa damit ko.
Gayundin, dumidikit ang matapang na samyo
ng pabangong gamit mo
sa bungkos ng telang sumasaplot sa balat mo
at sa balat ko.

Alam na alam ko kapag bumabalik ka.
Napupuno ang lababo ng hindi pa nahuhugasang
kubyertos, mangkok, baso, at plato,
nag-aabot ang pinagprituhang kawali nung agahan
at ang kalderong pinaglutuan ng adobo nung hapunan,
pati ang plastik na pitsel ng tinimplang orange juice
ay makakaligtaan hanggang sa matunawan ng yelo
at tuluyang tumabang.
Madalas kasi, matapos nating magsalo sa hapag
lalamunin ako ng nakagugutom na pag-iisip
kung kailan ka muling mauuhaw o mauumay
at maghahanap ng putaheng hindi ko kayang ibigay.

Alam na alam ko kapag bumabalik ka.
Mabilis ang ikot ng kontador ng kuryente
sa buong araw nating pagbababad sa harap ng TV,
palipat-lipat, papalit-palit ng estasyon
pudpod ang daliri sa pagpindot pagsapit ng dapithapon.
Madalas paglalamayan pa natin ang tatlong pelikula
na para bang hindi marunong mapagod ang mata.
Umiinit ang singaw ng laptop
habang lumalamig naman ang hininga ng habagat,
at pagpatak ng hatinggabi
tuluyan tayong ihehele ng maligamgam na hanging
umiihip mula sa bentilador
hanggang sa ang ating mga halakhak at hikbi
ay magpalit-anyo bilang mumunting hilik.

Alam na alam ko kapag bumabalik ka.
Nagugusot ang pinaalmirol na kobre kamang
halos ‘di naman nalulukot kapag ako lamang mag-isa,
umiiksi ang kumot na hindi kailanman
nasanay na magsilbi sa dalawa,
at higit na lumalambot ang mga unan
na sa haba ng magdamag ay nahuhubaran ng punda.
Madalas napapakislot ako mula sa mababaw na tulog,
naaalimpungatan hindi dahil sa pamilyar na lungkot
kundi dahil sa takot na ang matamis na panaginip
ay maging isang bangungot.
Madalas kasama kong nagpupuyat ang mga kuliglig,
sa kawalan nakatitig — hungkag, naliligalig;
nangangambang kapag ako ay pumikit, o umidlip
pagmulat ko ay ulila na naman ang silid.

Advertisements

7 thoughts on “Alam na Alam Ko Kapag Bumabalik Ka

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s