Nawa’y Muli Tayong Makauwi (Isang Dula sa Bundok Makiling)

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng anibersaryo ng ASEAN Center for Biodiversity (ACB) sa UPLB, itinanghal ng Cope With Land ang dulang “Nawa’y Muli Tayong Makauwi” sa direksyon nina Dennis Gupa at Regina Martinez.

Ang naging bunga ng aming kolaborasyon ay isang multi-artistikong at multi-dimensyonal na pagtatanghal na nagpapamalas ng lunggati ng sangkatauhan na makapaglakbay pabalik sa ating dating tahanan — ang mundo na punung-puno ng buhay.

12047198_10208038898034313_3114613842886652840_n

Unang beses ito na sumubok ang ACB na gamiting kasangkapan ang teatro bilang daluyan ng kaalaman ukol sa pangangalaga sa kalikasan.

Ang dula ay may limang bahagi:

Una ay ang Daluyong na nagpapakita kung paano “pinalalayas” ang tao sa kanyang tahanan; kung paanong ang pagbabago ng daigdig ay nagiging banta sa pagkalipol ng mga taong dapat ay nangangalaga dito.

Ikalawa ay ang Delubyo na nagbibigay sa atin ng malinaw na pagsasalarawan sa pagkasira ng ating mundong tinitirhan — lumalalang polusyon, pagbabago sa pandaigdigang klima, lumulubhang sakuna, at pagkalipol ng mga lahi ng hayop at halaman. Inihahain rin nito ang pakikipagtunggali ng tao sa paikli nang paikling oras na mayroon tayo upang maisalba ang mga dapat isalba.

Ikatlo ay ang Dahilan na nagpapamukha sa sangkatauhan na ang kasakiman at pagsasawalang bahala ng tao ang siyang dapat sisihin sa kinasasadlakan natin sa kasalukuyan.

Ika-apat ay ang Daing na nagpaparinig sa atin ng mga panawagan upang simulan ang mga pagbabago habang hindi pa nahuhuli ang lahat — sapagkat ang muling pagbuo sa tahanan na nais nating balikan ay magiging posible lamang kung mamumulat ang sangkatauhan na tayo rin ang kasangkapan sa pagkamit ng ating minimithing pag-uwi.

At ikalima ay ang Dalangin — isang taimtim na dasal at pakiusap ng mga kabataan na gumising tayo sa katotohanan na hindi kailanman mapaghihiwalay ang tao at ang kalikasan; na ang katapusan ng mundo ay siya rin nating wakas.

12027506_10208038826912535_1190796414133272127_n

Nagtulungan ang UP Rural High School (UPRHS) at Cope With Land sa pagbuo ng proyekto.

12049384_10208038822832433_9204805643164426739_n

“Philippines posted the highest average increase in sea levels, at 60 cms, against the global average of 19 cms since the year 1901.”

Narito ang mga tulang isinulat ko para sa dula:

ANG DALUYONG
Nagsasalubong sa sabang ang rumaragasang baha
at ang laksa-laksang luha ng sanlibutan.
Humahalo ang ‘di napipigtal na tubig ulan
sa walang pagkapaos na palahaw ng mga tao.
Daluyong ang dala ng umapaw na tubig sa dam
nang mag-abot ito at ang malapot na dugo.
Wala ni isang punong maaakyat upang
iligtas ang sarili at pamilya sa nakaambang wakas.
Wala ni isang punong sisisip ng tumagas
na dugo at tubig mula sa kinalbong gubat,
Wala ni isang puno na mapagsusumbungan
ng bangungot na gabi-gabing pumupuyat sa kamalayan.
Ang mundo’y unti-unting nalulunod.
At walang puno o salbabidang makakapitan.

12107265_10208038821792407_1561645370483813888_n

Ang mga nagsiganap ay mga piling mag-aaral ng UPRHS. Kasama rin nila ang Glee Club na pinatnubayan ni Prof. Marife Rebutar at Mr. Abriel Bulasag.

NAGHAHABULAN ANG MUNDO AT ORAS
Painit nang painit
Palamig nang palamig
Nagngangalit ang namamagang araw
Kumakagat ang pangil ng ginaw

Paunti nang paunti
Pabawas nang pabawas
Ilang lahi na ng hayop at halaman
Ang nanganganib na malagas.

Palala nang palala
Patindi nang patindi
Yumayanig ang dagat at lupa
Bumubulaga ang bagyo’t buhawi.

Pakapal nang pakapal
Pabigat nang pabigat
Lason sa hangi’y dumaratal
Habol hininga na ang alapaap.

Pabilis nang pabilis
Pabilis nang pablis nang pabilis
Naghahabulan ang mundo at ang oras
Sino ang unang papanawan ng lakas?

12118824_10208038819952361_1436188420295403832_n

Itinampok ni Prof. Gupa sa dula ang mga climate refugee sa ilang bansa sa Asya na napipilitang lumikas dahil sa unti-unting paglubog ng kanilang tinitirahan.

TAO ANG DAHILAN NG KANYANG MGA DAING
Tao ang dahilan ng kaniyang mga daing.
Nag-aaksaya ako ng kuryente.
May airconditioning kami sa bahay.
I don’t segregate. I waste paper.
Mahilig tayo sa plastic.
Mahilig na mahilig.
Ginagamit natin sila.
Sinusunog natin sila.
Binoboto natin sila.
Hindi ako nagtatanim ng puno.
People smoke.
People throw their trash irresponsibly.
Bihira akong maglakad.
Nagsusunog kami ng basura.
We love disposable utensils.
People don’t value cleanliness.
Wala tayong alam kundi liga,
at beauty pageant.
People criticize too much.
We criticize too much.
Nag-shopping ako sa SM Baguio.
Sinisemento natin ang bundok.
We depend too much on technology.
We are too much.
Masyado na tayong marami.
We ignore a lot of things.
We don’t care. At all.
Wala tayong pakialam.
Wala tayong kusa.
People are selfish.
We make reasons.
We make excuses.
We always do.
Walang ibang dapat sisihin kundi tayo.

Ang ikatlong tula ay hango sa mga "kumpisal" ng mga mag-aaral ukol sa kanilang kasalanan sa kapaligiran.

Ang ikatlong tula ay hango sa mga “kumpisal” ng mga mag-aaral ukol sa kanilang kasalanan sa kapaligiran.

NAWA’Y MULI TAYONG MAKAUWI
Sa kabila ng pag-apaw ng karagatan
at ng hindi mapigilang pagkapoot ng bulkan;
Sa kabila ng pagkatuyo ng lupa at mga sapa
at ng paghihingalo ng mga ibon at isda;
Sa kabila ng magkakasunod na pagyanig
at ng paglalagablab ng ating daigdig…
narito ang aming dalangin.
Nawa ay lubos nating maunawaan na ang kalikasan ang mas nakaaalam.
Nawa ay matutuna natin na lahat ng buhay ay mahalaga. At lahat ng bagay ay tunay na magkakaugnay.
Nawa ay mamulat tayo sa katotohanang lahat ay nagbabago.At ang lahat ng bagay na ating ginagawa o hindi ginagawaay may patutunguhan.
Nawa ay mapagtanto ng lahat na ang kalikasan ay may hangganan.
Nawa ay maalala natin na magkatuwang ang tao at kalikasan.
Na tayo ang siyang tagapangasiwa ng mga nilikhang ito.
Nawa ay muli tayong makauwi sa ating tahanan.

11062133_10208038824072464_7544266104533736066_n

Si Marie Angelica Dayao ay lumikha ng musika para sa ilang bahagi ng dula.

12074837_10208038833432698_1866234821537642046_n

Si Kulay Labitigan ang nagdisenyo ng set, props, at mga kasuotan.

Advertisements

One thought on “Nawa’y Muli Tayong Makauwi (Isang Dula sa Bundok Makiling)

  1. Pingback: 55 Litrato ng Aking 2015 | Kalyo sa Kanang Palasinsingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s