Dalawang Tula at Isang Pangako Para Kay Anina ng mga Alon

Hindi ako makasulat ng rebyu ukol sa nobelang “Anina ng mga Alon” ni Eugene Evasco. Kalabisan na siguro kasi na ulit-ulitin ko pa na napakaganda ng pagkakasulat nito. Mas mainam na ikaw mismo ang bumasa ng kuwento upang malaman mo na nagsasabi ako ng totoo.

f869b24549596fcca4584bf77c12ea8b

Kaya naman tutulaan ko na lamang ang batang Badjao na si Anina. Habang pinakikinggan ko kasi ang kanyang mga awit at kwento, nanumbalik sa akin na ako man, tulad niya, ay anak rin ng dagat.

Upang makahanap ng mga tula na maaari kong ibahagi sa kay Anina, binalikan ko ang aking thesis noong college. Ito ay isang antolohiya na naglalayong i-mapa ang aking bayang pinagmulan sa pamamagitan ng pagsulat ng mga tula.

“Ipinakikilala ng mga tula sa “Mga Anino sa Alon” ang aking sarili bilang isang kabataang iniluwal at yumabong sa Hagonoy. Isinasalaysay ko ang ilang mahahalagang parte ng aking buhay, ang mga alaala ng isang bata at estudyante, at ang mga karanasang humasa sa aking kaisipan. Inilalahad ng mga tula kung paano hinubog at naimpluwensyahan ng aking bayan ang isang makatang tulad ko.

Sa bawat taludtod na mahahagip ng inyong mga mata, itapak ang inyong mga paa sa mga pilapil, kalsada, prinsa, bukirin, at ilog ng ating bayang Hagonoy na aking ipininta gamit ang aking mga tula.”

12066014_10207024986055130_3768469666580860328_n

Ganito ang palaruan na aking kinalakhan.

Narito ang dalawang tula na nais kong ibigay kay Anina:

Daluyong

Pinupunit ng matatalim na liwanag sa ulap
Ang aliwalas na sa ami’y sumalubong
Nang dumaong ang bangkang sinasakyan namin
Sa kubong binabantayan ni Apo.
Pinapaso ng ginaw ang aking murang balat
Habang hinihintay namin ng ate na matapos
Ang pagtatambak ng tatay sa pilapil.

Kasabay ng pagdatal ng gabi
Mahigpit ang pagkakayapos ng dilim sa paligid,
Nagbabadya ang pagsambulat ng poot.
Nang itulak ko ang tikin palayo sa pilapil
Biningi ako ng dagundong
Kasunod ang nakabubulag na guhit ng dagitab.

Sumulong ang bangka at sumuba sa alon
Bumulwak ang similya ng ulap
Hinilam kami ng tikatik na ulan
Habang tinatambol na ang aming mga dibdib.
Sinipat ko ang tatay sa kanyang kinauupuan
Sa kanang kamay hawak niya ang manibela
Sa kaliwa naman ang ilaw na nakikipagtunggali
Sa marahas na hagulgol ng langit.

Pinipi na ng pangamba ang aking ate
Ako nama’y hindi na napigil ang takot na ikinukubli —
Humalo na sa malamig na ulan ang mainit kong ihi.

10 Hulyo 2008

12191391_10207024990975253_4914982530023310920_n

Tanaw ang Bundok Samat ng Bataan mula sa palaisdaan.

Sa ilog na ito ako natutong lumangoy.

Sa ilog na ito ako natutong lumangoy.

Sleepover

Libreng eyrkon ang hatid
ng pagtulog sa bubong.
Kinukulambuan ng karimlan
ang nangangatog naming katawan
na pinagpipiyestahan
ng mga dalahirang lamok.
Hindi matapus-tapos ang panaginip
dahil ilang ulit naaalimpungatan
sa sakit ng likod na nasanay sa kutson.
Napapangiwi
dahil sa hapdi at kati
ng alipungang nagbabanggaan
sa pagitan ng mga babad na daliri.
Siksikan kaming magpipinsan
naghihilahan ng kumot
nag-aagawan ng unan
habang pasulyap-sulyap ang buwan.
Ito sa ami’y pangkaraniwang Agosto
tuwing tumataas ang tubig sa ilog
samantalang kahihinahon pa lamang
ng nag-aalimpuyong bagyo.

3 Agosto 2008

Noon ay nililibot namin ang mga pilapil na nakukumutan ng dampalit.

Noon ay nililibot namin ang mga pilapil na nakukumutan ng dampalit.

Ang pangako ko kay Anina, muli akong susulat ukol sa aking dagat.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s