Ang Lahat ng Maganda ay Malungkot

kuha ng may-akda sa Antipolo, Rizal

kuha ng may-akda sa Antipolo, Rizal

ang lahat ng maganda ay malungkot
dahil hindi nagtatagal.

tulad ng mga puting kalachuchi —
nabubulok ang talulot
humihiwalay sa tangkay,
lumilipas ang bango
paghalik sa banig ng damo.

tulad ng bahaghari —
kumukupas ang kulay
natutuklap ang pinta,
naglalaho sa alapaap
sa pagtahan ng mga ulap.

tulad ng bulalakaw —
bumubulaga nang ‘di oras
agad ding pinapanawan ng ningas,
napupundi sa isang iglap
tinatakasan ng kutitap.

tulad ng papalubog na araw —
pumupusyaw ang tingkad na nakabibighani
lumilipas ang gandang nakababato-balani
nilalamon ng dilim
pagkagising ng buwan at ng mga bituin.

tulad ng pag-ibig namin —
natupok sa lagablab ng sarili nitong apoy
naupos sa pagtatangka naming magpatuloy,
naabo ang sumpaang panghabambuhay
ulilang alaala’y pilit binabaon sa hukay.

kaya’t isang pakiusap
sa’yo na sa aki’y mangangahas na magmahal.

huwag mong alayan ng puting kalachuchi
ang aking tenga,
huwag mong iguhit ang bahaghari
sa aking haraya,
huwag mong sungkitin ang bulalakaw
para iregalo sa akin,
huwag mo akong ayain na ang papalubog na araw
ay sabay nating panoorin —

pakiusap,
huwag kang umusal ng matatamis na pangakong
gabi-gabi kong papangarapin
at ipagdarasal.
sapagkat ang lahat ng maganda ay malungkot
dahil hindi nagtatagal.

__________________________

Naisulat ko ang tulang ito matapos basahin ang nobelang “Lumbay ng Dila” ni Gen Asenjo.

Advertisements

16 thoughts on “Ang Lahat ng Maganda ay Malungkot

  1. Pingback: 10 Bagay na Magpapaalala Sa Akin na “Lila Ang Kulay ng Pamamaalam” | Kalyo sa Kanang Palasinsingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s