Salamat at Hindi Nagunaw ang Mundo Nung 2012

May nahalungkat na Facebook post/year-end journal entry:

Bata pa lang ako, takot na ko sa end of the world. Kaya hindi ko pinanood dati ang Armageddon, lalo na ang Deep Impact. Nagpi-freak out ako kapag naiisip kong may asteroid na tatapos sa lahat ng buhay sa mundo. Hanggang ngayon.

Kaya natakot din ako na baka nga magwakas na ang mundo nung December 21. Wala naman talaga kasing nakakaalam. Malay ba natin, malay ba ng mga Mayan. Ang sigurado, hindi man palagi, madalas nakakatakot kapag hindi natin alam.

Pero kahit in-anticipate ko na na mamamatay na tayong lahat bago magtapos ang taon, hindi ko pa rin sinulit ang 2012. Kung bakit, hindi ko alam kung paano sagutin. Pero hindi na ko magmamaktol sa mga bagay na hindi ko nagawa — dapat man o kailangan, gusto ko man o hindi.

Totoo, 2012 was far from perfect. Hindi madali. Hindi mabait. Hindi ideal. It comes with the age nga siguro.

January last year, alam kong after seven years, aalis ako sa green green grass of home ng LB. January last year, nagsimula akong magpaalam sa lugar na hindi ko na mahanapan ng sapat at wastong adjective para idescribe.

Nagpaalam ako sa paraang alam ko — pasulat.

Hinayaan kong ang mga pinagpuyatang iskrip ang magsabi ng lahat ng gusto kong sabihin sa lahat ng gusto kong pagpaalaman. Hinayaan kong iba ang mag-release ng halu-halong emosyon na hindi ko na alam noon kung paano pa raramdamin. Hinayaan ko ang sarili kong bumitaw sa mundong kailangan nang kumupkop ng mga bagong Eljay.

Nagmartsa ako kasabay ng mga nagsipagtapos. Pero hindi gaya nila, wala akong inabot na diploma. Kung masaya silang nakuha ang minimithing certificate na di pa aabot sa 8.5x 11 ang laki, mas masaya akong makitang may hawak nito ang mga dati kong nakasalamuha sa mga silid-aralan sa isang liblib na bahagi ng Bay.

May last year, matapos ang ilang pagtatangka na magliwaliw at magpakasaya na parang may taning na ang buhay, inempake ko ang pitong taon ng pangungupahan sa unibersidad. Hindi man lang umabot sa sampung kahon.

Bago umalis, tinitigan ko ang Elbi kagaya ng kung paano ako tinitigan ng nanay ko nung araw na ihatid niya ko sa dorm. Ayaw mong iwan, pero kailangan. Ang mahalaga, magkikita pa ulit kayo.

Tapos na ang drama, action naman.

June last year, hinarap ko ang job hunting jungle sa unang pagkakataon. At sa gitna ng nagngangalit na sikat ng araw sa maze challenge ng Makati, pagkatapos ng 3 taon sa akademya, narealize kong ideyal pa rin ang hinahanap kong mundo. Ang nakakalungkot, mukhang malayo sa katotohanan ang hinahanap ko. Halimbawa: kahit ilang buwan akong nagpawis sa pagpatol, pag-asa, at pagpapauto sa mga interview, hindi ako pumayat. Umover pa lalo ang timbang ko. Sino nagsabing nangangayayat ang walang trabaho?!

It took me four months to understand kung bakit pare-pareho ang reaksyon ng mga tao sa pagreresign ko sa trabaho ng wala pang pupuntahang bago. Mahirap nga pala. Parang break up. Or mas matindi pa, dahil mauubos ang sarili mong pera. Worst, kailangan mo ulit umasa.

Pero ganun talaga, may trabaho ka o wala, anak ka pa rin ng magulang mo. Perks yan na dapat i-enjoy. Pero hindi dapat inaabuso.

July last year, nakipaglokohan sa’kin ang hindi natin mawaring tadhana. Sa gitna ng kawalang trabaho at kawalang pondo, kinailangan ding mawala sa iniikutang mundo para mas makita na sa kalawakan ng kalawakan, hindi lang pala paikot ang daan. Pero hindi ko na ipu-prove that the shortest distance between 2 points is a straight line.

To cut it short, sa kalagitnaan ng 2012, dalawang importanteng life lessons ang punch line ng biro ng tadhana: 1. habang tumatanda, kailangang mas matuto tayong mamili at 2. kapag namimili, dapat nakatingin na sa pagtanda.

August last year nang pumirma ko sa kontratang iba na ang job description. Papel ko na ulit ang pauulanan ng red marks. Ako na ulit ang gagawaran ng grades. Ngayon, halos limang buwan na akong nagpapa-check ng paper. Kung gagamiting evaluation question ang abovementioned life lessons, nakangiti kong sasabihin na after 5 months, may check ang boxes ng dalawang items.

November last year, bumalik ako sa LB sa paraang alam ko — pasulat ulit. Baon ang mga produkto ng ilang buwang kawalan ng trabaho, muli akong nag-bow sa pamilyar na entablado. Pero iba na ang liwanag at lamlam ng ilaw. Iba na ang timpla ng tunog at mga lapel. Iba na ang takbo ng eksena. Kung kailan ulit ako sisilip sa tabing, hindi ko pa alam.

Hindi nagunaw ang mundo nung December.

At ito sa tingin ko ang highlight ng 2012.

Buo pa ang mundo. Buhay pa tayo.

May 2013 pa para sa ating lahat. May pagkakataon pang dibdibin ang life lessons ng nagdaang taon. Pwede pa ulit tayong bumuo ng mga bago pang mundo kasama ang mga luma at bagong tao na pipiliin nating isama, at pipiliin tayong isama.

Salamat at hindi nagunaw ang mundo nung 2012.

Mapapanood ko pa ulit ang Armageddon at Deep Impact.

Advertisements

2 thoughts on “Salamat at Hindi Nagunaw ang Mundo Nung 2012

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s