Maraming Ayaw ang Pag-ibig

hopscotch

Ayaw ng pag-ibig ng maanghang na pagkain
ayaw niya ng pancit canton extra hot,
ng Bicol express, ng kinunot na pagi.
Ayaw din niya ng malagkit na kanin
kaya huwag mong yayayain sa Mang Inasal
ang pag-ibig.
Ayaw ng pag-ibig ng lamang-dagat
ayaw niya ng alimango’t alimasag,
ng hipon, ng tahong, ng talaba.
Ayaw din niya na pinagsasama ang ulam
sa isang pinggan,
kaya huwag mong pilitin ang pag-ibig
na tikman ang pork steak at giniling
nang sabay.
Ayaw ng pag-ibig ng buko juice.
Away niya rin dati ng kape.
Ayaw na ayaw ng pag-ibig sa mga bagay
na matalim at matalas
gunting, kutsilyo, karayom.
Ayaw rin ng pag-ibig ng matutulis
na balbas.
Ayaw ng pag-ibig kapag hindi sumasagot sa tawag
o kaya naman ay walang reply sa text.
Ayaw na ayaw ng pag-ibig na inuulit-ulit
ang sinasabi niya,
kagaya ng pag-ayaw niya kapag
ang anumang sinusulat niya
ay binabasa.
Ayaw ng pag-ibig sa mga lugar na nakakalula,
kaya huwag mo siyang alukin
na mag-Space Shuttle;
pero pwedeng mag-perya.
Ayaw na ayaw ng pag-ibig na ginagambala
ang kanyang paghimbing,
kaya huwag na huwag mong susubukin
na pangunahan ang kanyang paggising.
Higit sa lahat,
ayaw ng pag-ibig na dinadalhan siya
ng bulaklak.
Ayaw ng pag-ibig na ibinibigay mo
ang lahat.

Maraming ayaw ang pag-ibig.

Pero paulit-ulit pa rin natin siyang ginugusto.

—————-

Dahil Valentine’s Day, interactive ang tulang handog ko. Maaari mong kopyahin ang tula. Papalitan mo lang ‘yung mga salita at parirala na naka-bold. Syempre ang ipapalit mo ay ‘yung angkop sa pag-ibig mo. Ikatutuwa ko kung ibabahagi mo sa comment section ang mabubuo mong tula. Goodluck and enjoy.
Advertisements

2 thoughts on “Maraming Ayaw ang Pag-ibig

  1. Ayaw ng pag-ibig ng mga bagay na sakto lang—ayaw niya ng maligamgam na kape, ng number two sa bentilador, ng manibalang na mangga.
    Ayaw din niya ng matataong lugar kaya huwag mong yayayain sa mall ang pag-ibig.
    Ayaw ng pag-ibig ng pagkaing mahirap kainin— ayaw niya ng matinik na isda,sundot-kulangot, alupihang dagat at butong kalabasa.
    Ayaw din niya na pinagsasama ang malibag na damit sa isang palanggana, kaya huwag mong pilitin ang pag-ibig na labhan ang dekolor at puti nang sabay.
    Ayaw ng pag-ibig ng bundok.
    Ayaw niya rin dati ng dagat.
    Ayaw na ayaw ng pag-ibig sa mga bagay na mahal at makinang— ginto, pilak, diamante.
    Ayaw rin ng pag-ibig sa yamang galing sa utang.
    Ayaw ng pag-ibig kapag hindi nag-aambag sa inuman,
    O kaya naman ay malakas mamulutan.
    Ayaw na ayaw ng pag-ibig na tinatawanan ang suot niya,
    kagaya ng pag-ayaw niya kapag ang anumang galaw ay pinupuna.
    Ayaw ng pag-ibig sa mga laro na nakahihingal,
    kaya huwag mo siyang ayain na mag-habulan; pero pwedeng mag-taguan.
    Ayaw na ayaw ng pag-ibig na sinasabayan ang kanyang pagkanta,
    Kaya huwag mong susubukin na hiritan ni isang linya.
    Higit sa lahat,
    Ayaw ng pag-ibig na dinadalhan siya ng posas.
    Ayaw ng pag-ibig na ikinukulong mo siya sa rehas.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s