Si Lam-ang sa Labas ng Teksbuk at sa Loob ng Tanghalan

Taong 2017 nang mapanood ng ilang miyembro ng Actors Company ang “Lam-ang, Ang Sugo ng Nalbuan,” isang thesis production ng UP Dulaang Laboratoryo. Ito ang naging sagot sa matagal ng paghahanap ng Tanghalang Pilipino (TP) ng isang bagong materyal na hango sa isang epikong-bayan. Nobyembre ng sumunod na taon, tinipon ang pangkat pang-artistiko na binubuo ng mga papasibol pa lamang na mandudula upang harapin ang hamon na lumikha ng isang bagong bersyon ng “Biag ni Lam-ang” para sa kasalukuyang panahon.

79110944_2193862834047116_578205282119712768_o

Narito ang ilan sa mga tala ukol sa mahahalagang pasya sa paghubog ng “Lam-ang, An Ethno-epic Musical.”

1. Ang terminolohiyang “ethno-epic” ay nagmula sa isang conference noong 2018 na tumatalakay sa mga epiko ng Pilipinas. Sa naturang programa, binanggit ni Virgilio Almario na ayon kay E. Arsenio Manuel, ang mga epiko sa ating bansa kagaya ng “Biag ni Lam-ang” ay dapat tawaging ethno-epic upang ilayo sa kanluraning konsepto ng “epic” na tulad ng Iliad at Odyssey. Isinalin ni Almario sa Filipino ang terminolohiya bilang “epikong-bayan.”

78212520_2193866204046779_1505731176524939264_o

2. Layunin ng TP na ipagpatuloy ang pagsasaentablado ng mga epikong-bayan na nasimulan na noon pang 2013 (Rody Vera’s Ibalong). Ngayong 2019, napiling itanghal ang epikong-bayan ng mga Ilokano upang muling ipakilala si Lam-ang lalo’t higit sa mga kabataan. Layon ng musikal na mapalawig at mapalalim ang kaalaman ng mga Pilipino sa isang naratibo na kadalasan (sa kasamaang palad) ay napapasadahan lamang sa mga araling-pampanitikan.

78112753_2193874190712647_4800655843487907840_o

3. Tinatangka rin ng musikal na itanghal ang mga sinaunang tradisyon at karunungan ng mga katutubong Pilipino bago pa man magsimula ang kolonisasyon. Sa tulong nina Prof. Junley Lazaga at  , mga Ilokanong manunulat na may-akda ng pinakabagong salin ng “Biag ni Lam-ang,” naitampok sa musikal ang mga sinaunang kaugalian sa Ilokos gaya ng pagkilala sa “baglan” (ang bersyon nila ng babaylan), “golgol” (ritwal ng pagdadalamhati), at “dallot” (tradisyong oral ng mga Ilokano). Nailangkap din sa musikal ang mitolohiya ni Anggalo, ng mga mangmangkik, at ng bukarot na pawang mahahalagang bahagi ng panitikan sa hilagang Pilipinas.

79091825_2193865447380188_375349943755341824_o

4. Ang kinikilalang orihinal na salin ng “Biag ni Lam-ang” ay ang bersyon ni Pedro Bucaneg na magpahanggang sa ngayon ay hindi pa natutuklasan. Mula rito ay naganap ang pinakaunang rekording ng epikong-bayan noong 1889 nang ilathala ito ni Isabelo de los Reyes sa kaniyang peryodikong El Ilocano. Ito ang naging pangunahing batayan sa pagbuo ng musikal. Subalit upang mas maunawaan ang katauhan ni Lam-ang at ng mga taong nakapaligid sa kanya, pinagsumikapan na punan ang mga patlang at pagtagni-tagniin ang mga detalye sa umiiral na teksto. Ang naging bunga ay isang bagong paghaharaya sa tunay na halaga ng imortal na epikong-bayan.

79485793_10218697214413544_4392818062730985472_n

5. Isa sa pinakamalaking pasya sa pagbuo ng bagong bersyon ang pagtatangka na tanggalin ang bahod ng kolonyalismo na sa pagsasalin-salin ay napanatili na sa pagsasalaysay ng “Biag ni Lam-ang.” Ilan sa mga ito ay ang pagkakaroon ng ninong sa binyag, ang pagturing sa mga taga-golot (Igorot) bilang mga barbaro, at ang konsepto ng muling pagkabuhay.

78290632_2193868294046570_1303583876404215808_o

6. Naging gabay rin sa paghubog ng musikal ang pagnanais na ibalik ang ating pambansang kamalayan sa muling pagsasalaysay ng buhay ni Lam-ang. Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang epikong-bayan na ito ay minsang ginamit ng diktador na si Ferdinand Marcos bilang salamin ng kanyang sarili upang mapaigting ang kanyang estadong politikal. Layon ng musikal na mapanumbalik ang tunay na saysay ng epikong-bayan na naglalahad ng kagitingan, kababaang-loob, at pagmamahal sa lupang pinagsibulan ng ating mga ninuno.

78641292_2193867240713342_7327851167805865984_o

7. Ang naging inspirasyon sa paghaharaya ng Nalbuan at Kalanutian, ang mga pangunahing lunan ng dula, ay ang mga sinaunang Tingguian at Itneg na ayon sa pag-aaral nina Fay-Cooper Cole at Michael Armand Canilao ay mga katutubo ng Ilokos. Mula sa mga datos na nakalap sa mga nailimbag na pananaliksik, nahubog ang mundong ginagalawan ni Lam-ang — ang kanilang mga kasuotan, sandata, kasangkapan, ritwal, at paniniwala.

76717482_2193870194046380_7184769868552470528_o

Sa pagtunghay ninyo sa bagong bersyon ng “Biag ni Lam-ang,” hangad namin na maipagpatuloy ang pagdaloy ng isang epikong-bayan na nagpapaalala sa bawat isa kung alin ang atin at kung sino tayo bilang mga Pilipino. Hindi maluluma ang kuwento ng kabayanihan at kadakilaan dahil ngayon higit kailanman laganap ang bagong mukha ng mga digmaan. Patuloy ang pagdanak ng dugo. Patuloy na may kumakamkam sa ating karagatan at lupain. Patuloy ang paglapastangan sa ating mga likas na yaman. Patuloy na may nagbubura at nanlilinlang sa ating kamalayan. Kaya marapat na patuloy rin ang pagsasalin-salin ng mga kuwento na tulad ng kay Lam-ang.

78570445_1553517568147950_5640590484096155648_n

ELJAY CASTRO DELDOC
Mandudula at Dramaturgo, kasama ang Pangkat Pang-Artistiko

__________________

Ang mga litrato ay kuha ni Kyle Venturillo (@kventurillo).

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s