Kaulayaw

Kung isang taga-itaas o taga-kabayanan ng Hagonoy ang magpipinta ng Pugad at Tibaguin, malamang na ang dibuhong lilitaw ay mukha ng kahirapan. Mga kalsadang lubog sa baha, kabahayang gawa sa kawayan at nakatirik sa ilog, malansang simoy ng hangin, at laksang basura na palutang-lutang sa tubig — ito ang karaniwang larawan ng isla para sa mga taga-labas. Ngunit para sa mga kabataang dito lumaki at nagkamuwang, ang Pugad at Tibaguin ay kadluan ng pagpapala ng kalikasan at ng masasayang gunita ng kanilang pagkabata.

Sa Puerto Rivas, Bataan isinilang si Joy Robles. Isang buwan pa lang siya nang magpasya ang kanyang tiyo na kinilala niyang ama na iuwi siya sa Tibaguin kung saan nakatira ang kanilang angkan. Labas-masok noon sa ospital ang nanay ni Joy matapos siyang ipanganak kaya’t minabuti ng kaniyang amain na sa isla siya dalhin. Nakabalot si Joy sa makapal na kumot nang itawid siya sa kalmadang dagat.

Kasagsagan naman ng bagyong Rosita nang ipanganak ang batang si Ehra Joy. Dahil walang klinik sa isla, isinakay sa bangka ang kaniyang inau pang madala sa ospital sa Brgy. Halang. Ngnuti hindi pa man nakalalayo sa Tibaguin ay nasiraan ang bangka. Sa gitna ng masungit na panahon ay nailuwal ang sanggol sa ilog. Ang naging palayaw tuloy ni Ehra Joy ay “Basita,” pinagsamang bangka at Rosita.

Noong nasa elementarya na si Joy, madalas siyang ipanlaban ng kanilang paaralan sa mga paligsahan. Sila at ang mga kinatawan ng eskwelahan sa Pugad ang malimit na pinakamaagang dumarating sa pagdadausan ng kontes. Sila rin ang pinakaunang umuuwi dahil sa nakatakdang oras na biyahe ng bangka. Sa mga ganitong pagkakataon, karaniwang inuusisa si Joy ng kapwa estudyante na taga-itaas kung ano ba ang mayroon sa isla. Hindi niya tuloy maiwasang isipin na akala marahil ng mga nagmula sa kabayanan ay inosente silang mga nanggaling sa Pugad at Tibaguin. Ngunit ang totoo, halos pareho naman ang pulo at ang mainland. Ang malaking kaibahan lang ay mayamang karanasan nina Joy kapiling ang ilog at dagat.

Litrato ni Franco Reyes

Para kay Josh Jimenez, ang ilog sa Pugad ay bahagi ng kanilang bakuran. Kaya ito ang pinakauna nilang palaruan. Dahil halos lahat sila ay marunong lumangoy, paliligo sa ilog ang paborito nilang libangan. Madalas silang nagpapaligsahan sa palayuan ng pagsisid o kaya naman naghahabulan sa tubig. Ito ang pinaka nakakapagod na laro ayon kay Paul Miguel na taga-Tibaguin. Bawal tumuntong sa lupa kaya’t wala silang tigil sa pagsikad at paglangoy. Kapag kalakhan ng tubig, nakawilihan na nila ang pagtalon sa tulay o kaya naman ay ang pagpalaot sa mas malalim na bahagi ng ilog.

Litrato ni Franco Reyes

Mapalad ang ilang batang taga-isla na naabutan pa ang pamosong Aroma Beach na nasa pagitan lang ng Pugad at Tibaguin. Kapag walang pasok ay nagkakaayaan dito ang magkakaibigan. Ang natitirang paltok na bahagi ng beach ay tuluyang lumubog noong manalasa ang bagyong Milenyo. Tuwing Sabado de Gloria naman ay nakaugalian na ng mga residente na maglunoy sa dagat. Halos lahat ng taga-baryo ay nagtutungo kung saan may nakalitaw na paltok. Dito nila palilipasin ang maghapon kaya’t may bitbit na rin silang baon.

Ibang-iba naman ang mga alaala ng mga kagaya ni Albert Lunes na namuhay sa Pugad noong hindi pa uso ang teknolohiya. Laman sila noon ng kalsada dahil hindi pa binabaha ang isla. Walang kapaguran silang naglalro ng patintero, luksong-baka, holen, sipa, sumpit, at sampak. Madalas din silang nagpapalipad ng saranggola sa pilapil at namimitas ng bunga ng palapat. Kung minsan ay nagkakabuyuhan din sila na manguha ng paros at talaba sa ilog. Ang iba ay nandudukot pa sa pilapil ng alimango at damuko. Nakapamimingwit din sila noon ng malalaking biya at sapsap. Naranasan din ni Albert na manguha ng salay o pugad ng ibon. Noon daw kasi ay makakapal pa ang mga bakawan, piapi, at api-api sa paligid ng isla kung kaya napakaraming mga bakaw. Kinakain nila ng hilaw o kaya naman ay inilalaga ang mga nakukuhang itlog. Ilan pa sa paborito nilang meryenda ay ang pansit ni Ka Kuning, nilupak ni Ka Stella, at puto’t kutsinta ni Nanang Luming.

Naabutan din ni Albert ang panahon na iisang bahay pa lang ang mayroong telebisyon sa isla. Ito ang kanilang sinehan. Nagbabayad sila ng diyes sentimos kay Ka Deling o kay Nana Sema na siyang mga takilyera. Kapag nagliwanag na ang mga poste sa kalsada, hudyat na iyon para sila ay magsiuwi na.

Litrato ni Paul Justine A. Miguel

Malaking bahagi ng buhay nila sa Pugad at Tibaguin ang pagsakay sa bangka. Pagtuntong ng hayskul ay araw-araw na bumabiyahe pa-itaas ang mga estudyante. Pasado alas tres ng madaling araw ang pangkaraniwan nilang gising tuwing may pasok. Nauunahan pa nila ang pagtilaok ng manok dahil saktong alas kuwatro y medya ay aalis na ang bangka na maghahatid sa kanila sa paaralan. Ang mga hindi makakasabay sa service boat ay makikinakay na lang sa mga bangkang pampasaheros.

Noong bata pa si Joy, malaking hamon para sa kaniya ang pagtugpa sa bangka. Kailangan kasi ang husay sa panimbang kapag tumutulay sa andamyo lalo na kapag maalon at malakas ang hangin. Ang kuwento naman ni Paul, may mga estudyanteng nahuhulog sa bangka lalo na tuwing may sigwada. Kapag panahon ng bagyo, nakikipag-ugnayan ang mga drayber ng service boat sa mga punongguro upang maabisuhan sula kung kakayanin bang lumuwas ng mga bata.

Litrato ni Rein Eleine Reyes

Ilang beses ding naranasan ni Joy ang pagsama sa bangkang naghahatid ng mga tuyong isda sa punduhan ng Malabon. Isang oras lang ang biyahe mula Tibaguin kapag naka-bangka kaya mas nakakatipid ang mga biyahero. Pag-uwi ay may dala na rin nila ang sariwang isda na kanila ulit tutuyuin. Kapag naman dumadalaw sina Joy sa mga kamag-anak nila sa Bataan ay sa dagat na rin sila dumaraan. Palagi siyang namamangha kung paanong natutumbok ng mga bangkero ang daan sa laot nang walang gamit na mapa o kompas.

Sa mga kagaya naman ni Jamarica Arabis na hindi maalwan ang pamilya, ang alaala ng pagkabata sa isla ay hindi lang pagbababad sa ilog at pakikipaghabulan sa palaisdaan. Sa murang edad ay naranasan niyang magtrabaho kasama ng kaniyang mga magulang. Alas kuwatro pa lang ng madaling araw ay magsisimula na sila sa pagkakampil at paghihilera ng mga isda sa kaping. Pagputon ng araw ay ibibilid na nila ang mga ito sa pilapil. Kung minsan naman ay itinatawid pa nila sa Ibayo kung saan may mas malawak na bilaran. Karaniwan naman sa mga batang lalaki ang pagsama sa mga bangkang palakaya upang tulungan ang kanilang mga ama sa panghuhuli ng isda at pangunguha ng alamang. Paminsan-minsan nilang ipinagpapalit ang pakikipaglaro at ang pagpasok sa eskwela para kahit paano ay may maipandagdag sa araw-araw nilang pantustos.

Batid ni Joy at ng iba pang kabataang taga-isla na payak na buhay ang mayroon sa Pugad at Tibaguin. Ganunpaman, hindi nila kailanman ikahihiyang ito ang kanilang tahanan. Sa piling ng dagat, natuto silang lumangoy, gumataw, mamingwit, sumagwan, at mangarap. At kahit minsan ay hindi nila itinuring na harang ang ilog at dagat sa mga nais nilang marating at maranasan. Alam ni Joy na maaaring sa mga susunod na mga taon ay lisanin niya ang isla upang tuparin ang mga sariling mithiin. Subalit alam din niya na kahit saan man siya dalhin ng ihip ng hangin, palagi niyang kasasabikan ang pagsakay sa bangka pauwi sa Tibaguin.

_____

Ito ay bahagi ng koleksyon ng mga sanaysay na ipinasa ko sa klase ni Dr. John Iremil Teodoro na Writing Archipelagic Identity.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s