Sa Panaginip Ko, Marami na Tayong Narating

ang may-akda sa Banaue Rice Terraces

ang may-akda sa Banaue Rice Terraces

Sa panaginip ko, marami na tayong narating.

Naitumba na natin ang tig-dalawang pawisang bote ng Red Horse
sa isang hindi kilalang bar sa Antipolo
kung saan tanaw natin ang paglipad-panaog ng mga eroplano
at kung saan hindi na natin tiyak ang pagitan
ng mapupusyaw na ilaw ng syudad
at ng malamyang kutitap ng mga tala.

Nakipaglaro na ang ating mga talampakan
sa malilikot na alon at kilapsaw sa Dampalitan
kung saan madalas na nagpapang-abot
ang malulungkuting buwan at ang pumapanaw na araw;
kung saan ang mamasa-masang buhangin
ay banig na himlayan ng ating gunita’t salamisim.

Nakapagpalipas na rin tayo ng magdamag
sa isang madawag na bundok sa Batangas
kung saan hinarana tayo ng sanlaksang kuliglig
at hinandugan ng bugtong ng mumunting hamog;
kung saan malamyos na ibinulong sa’yo ng hangin
ang mga pinakaiingatan kong lihim.

Nakapagkwentuhan na tayo ng ilang ulit
sa harap ng maalamat na lawa
kung saan sakay ng kalawanging bisikleta
ang hindi mapatid-patid nating tawa
at kung saan ang mga sandali ng hindi pag-imik
ay pinupunuan ng masalamangkang halik.

Nakapagbasa na rin tayo ng isandaa’t isang libro
sa kampanaryo ng isang lumang simboryo sa Negros
kung saan ang dapithapo’y puno ng talinghaga
at ang simoy ng amiha’y umaawit, tumutula;
kung saan ang mga nobelang ating pinagsaluhan
ay ikaw at ako ang mga pangunahing tauhan.

Sa panaginip ko, hindi mailap ang katuparan ng mga hiling.
Sa panaginip ko,
at sana sa panaginip mo rin,
marami na tayong narating.

2 thoughts on “Sa Panaginip Ko, Marami na Tayong Narating

Leave a comment